Advertisers
DINAKMA ng National Bureau of Investigation (NBI) ang social media personality at founder ng Peanut Gallery Media Network (PGMN) na si Franco Mabanta at apat na kasamahan sa isang entrapment operation kaugnay ng umano’y P350 milyong extortion attempt laban kay dating House Speaker at Leyte 1st District Representative Martin Romualdez.
Inaresto si Mabanta, dating BBM’s social media director at ngayo’y isa nang notoryos na “DDS” vlogger, at kasama ang apat pang indibidwal nitong Martes, Mayo 5, matapos umano niyang hingin ang P350 milyon kapalit ng hindi paglalabas ng mga video na sinasabing nag-uugnay kay Romualdez sa flood control scandal.
Ayon kay NBI Director, Atty. Melvin Matibag, iginiit ni Mabanta na hawak niya ang naturang mga video at nagbanta itong ilalabas kung hindi siya mababayaran.
Sinabi ng mga awtoridad na nadakip si Mabanta matapos tumanggap ng paunang P70 milyon na marked money.
Lumabas sa mga kumakalat na larawan na kaharap ni Mabanta ang isang maleta na naglalaman ng pera sa isinagawang operasyon.
Tumanggi magbigay ng pahayag si Mabanta, sinabing kukunsulta muna siya sa kanyang mga abogado.
Ayon sa NBI, magsasagawa ito ng press conference upang ilahad ang karagdagang detalye kaugnay ng kaso.