Advertisers
SA LUNES, pagbobotohan sa sesyon plenaryo ng Kapulungan ng mga Kinatawan (Camara de Representantes), ang Articles of Impeachment na ipinasa at pinanday ng House Committee on Justice na pinamumunuan ng batikang Kin. Jinky Luistro ng Batangas. Wala kaming nakikitang balakid maliban sa ingay ng ilang tila may sayad na mambabatas.
May sapat na bilang upang ipasa kaagad ito at isumite sa Senado na ayon kay Senate President Tito Sotto ay kagyat na magpupulong upang buuin ang sarili bilang impeachment court batay sa itinatadhana ng Saligang Batas sa mga usaping impeachment. Nakikita namin na ang Senado ang magiging problema sa malayang paglilitis ni Misfit Sara.
Batay sa mga pahayag ng ilang senador, may nakikita kami ng tatlong maaaring mangyari sa Senado: una, gagawa ng kahit anong paraan ang ilang senador upang huwag mabuo ang Senado bilang hukuman; pangalawa, gagawa sila ng kahit anong paraan upang huwag mailabas ang mga ebidensiya; at pangatlo, kung matuloy ang paglilitis at mailabas ang mga ebidensiya, gagawa sila ng kahit anong paraan upang ilusot si Misfit Sara at hatulan na hindi nilabag ni Misfit ang Saligang Batas.
Hindi maiiba ang kasalukuyang Senado sa nakalipas kung saan binaluktot ng ilang senador ang probisyon ng batas upang hindi malitis si Misfit Sara. Naaalala ba ninyo na iniba ni Tricky Tsis Escudero ang kahulugan ng salitang “forthwith” sa Konstitusyon. Bagaman kumaunti ang mga kakamping senador ni Misfit at dumami ang hindi tuta (Tito, Ping, Bam, Kiko, at iba pa), may mga maingay na senador-hukom na nagbibigay na baluktot na interpretasyon sa batas.
Nangunguna na kanila si Rodente Marcoleta, ang kasapi ng kultong Iglesia n Cristo (INC) na sumusuporta kay Misfit Sara. Igigiit niya ang maling interpretasyon ng batas na sa buong akala niya ay tama kahit harapang siyang napapahiya sa mga kasamang senador. Kung nandiyan si Rodente, malayo ba si Alan Peter Cawatano na may palaging maling pagtaya sa letra ng batas at ipipilit ang kanyang baluktot na interpretasyon?
Nandiyan si Camoteng Robin na ipinipilit ang pilosopiya na napulot sa barberya. Ang trabaho ng oposisyon sa Senado ay tutulan ang anumang galaw ng mayorya, aniya . Pinagtawanan si Camote dahil sa labis na kamangmangan at kakulangan ng sapat na unawa at kasanayan upang maging mahusay na senador-hukom. Hindi naiintindihan ni Camote ang trabaho ng oposisyon sa Kongreso. Nandiyan si Babs Marcos na walang sinabing matino tungkol sa isyu.
Tahimik si Tricky Tsis tungkol sa isyu. Hindi siya nangangahas magsalita dahil nahaharap siya sa usaping plunder sa Office of the Ombudsman. Kamakailan, nagbaba ang Ombudsman ng hold departure order upang hindi siya makalabas ng bansa at makapagliwaliw sa Europa na taunan niyang ginagawa. Tahimik rin ang dalawang alipures niya – Joel Villanueva at Jinggoy Estrada. Hindi kami magtaka kung bumaligtad si Tricky Tsis at iwan sina Rodente, Cawatano, at ibang kasama sa oposisyon.
Hindi kami magtaka kung palihim siyang makipag-deal sa mga nasa poder upang hindi siya usigin sa kanyang kasong plunder. “Boboto ako laban kay Misfit, huwag lang ninyo akong ikulong,” iyan ang pahimakas ni Tricky Tsis. Iyan ang pulitika ni Tricky Tsis. Tanging sarili lang ang mahal niya. Wala siyang isang salita at kabilanin.
Kung magawa ito ni Tricky Tsis, malayo ba ang dalawa alipin na sina Joel at Jinggoy. Ilulusot na rin nila ang kanilang sarili. Tatahimik na lang sila at boboto sa pagpapatalsik kay Misfit Sara sa impeachment trial. Iyan ang problema ng mga senador na may nakabinbing kaso sa husgado. Mawawalan sila ng ngipin upang igiit ang nais nila.
Teka, nasaan ba si Bato dela Rosa at Bong Go? Nagtatago si Bato, hindi nagpapakita, at ganap na tinalikuran ang trabaho bilang senador mula Nobyembre ng nakaraang taon hanggang ngayon. Mawawala rin si Bong Go. Pareho silang sangkot sa sakdal ni Gongdi sa ICC na crimes against humanity. May bumaba ng arrest warrant laban sa dalawa.
Hindi sila kailangan posasan ngunit sapat na ang arrest warrant mula ICC upang busalan ang bibig ng dalawang senador mula Davao City. Si Bato ang pinaniniwalaang nagpatupad ng isinukang war on drugs ni Gongdi. Si Bong Go ang pumondo at nagbigay ng gantimpala at pabuya sa mga pulis na sangkot sa madugong programa ni Gongdi.
Gagawin nila ang lahat upang hindi mailabas ang mga ebidensiya kontra kay Misfit Sara. Pero dahil may mabibigat silang dalahin bunga ng kani-kanilang mga kaso, hindi namin sila nakikita na magiging epektib sila. Kahit anong pigil, lalabas at lalabas ang mga ebidensya kontra Misfit na kinalap ng komite ni Luistro. Hindi sila mapapasinungan ang mga ito dahil sila ang itinuturing na “smoking gun evidence.”
Hindi mapapabulaanan ang mga ebidensya na isinumite ng Anti Money Laundering Council (AMLC), Securities and Exchange Commission, at iba pang ahensya ng gobyerno na may hawak ng mga detalye sa kawalanghiyaan ni Misfit Sara. Mga katibayan ito ng kanyang paglabag sa Saligang Batas na ibinintang sa kanya ng komite ni Luistro at Kapulungan.
Hindi pa tapos ito. May problema pa sila bunga ng katabilan. Kung hindi nila mapipigilan ang mga pahayag na kampi kay Misfit Sara, maaaring hilingin na iitsa puwera nila ang sarili bilang senador-hukom. Batay sa alituntunin ng Senado bilang impeachment court, hinihingi ang kanilang political neutrality. Kailangan wala silang kinakampihan sa paglilitis.
Kung ilabas at matalakay ang mga ebidensya, ang nakikita namin sa endgame ay ang magiging pasya ng mga senador-hukom. Kapag nagpasya sila na hindi guilty si Misfit Sara, hindi maaalis sa sambayanan ang hinala na nabili ni Misfit. Binayaran sila ng bilyon bilyon piso upang manatili si Misfit sa poder.
Pagbabayaran nila ito. Hindi namin maalis sa isip ang malagim na tanawin. Maaaring bumalik sa kalsada ang mga mamamayan at ihayag ang kanilang matinding pagtutol. Nakikita namin ang EDSA 4. Mismong ang taumbayan ang sisipa sa mga senador sa kanilang puwesto. Malaking gulo ang kanilang hinaharap. Ang mga senador ang may problema.
Sa ngayon, walang ibinababang kumpas si BBM. Hindi siya nagsasalita. Nagmamasid lang. Pero batid namin na alam niya ang endgame. Hindi niya nanaisin na manatili sa poder si Misfit Sara. Hindi niya ito kakampi at mas nanaisin niya na masipa ito agad. Mas madali, mas maigi.