Advertisers

Advertisers

Simbahan nanawagan sa Senado: ‘TIGILAN ANG HARANGAN SA IMPEACHMENT’

0 4

Advertisers

MAGKAHIWALAY na nanawagan ang dalawang kilalang samahang panrelihiyon sa Senado na gampanan ang tungkulin nito ayon sa Konstitusyon na agad buuin ang impeachment court para litisin si Vice President Sara Z. Duterte, at tiyakin magiging malinaw, makatotohanan at patas ang proseso nang walang bahid ng maniobrang pulitikal o sinadyang pagharang.

Kapwa naglabas ng magkahiwalay na pahayag Ang Iglesia Filipina Independiente (IFI) at ang Episcopal Church in the Philippines (ECP) para hikayatin ang mga senador, habang ipinapahayag ang kanilang pagkabahala sa biglaang pagbabago ng liderato sa Senado at sa muling paglitaw ni Senador Ronald Dela Rosa sa plenaryo matapos ang anim na buwan pagkawala. Nangyari ito sa panahong inaprubahan ng House of Representatives ang impeachment laban sa Bise Presidente at ipinadala sa Senado ang Articles of Impeachment para sa paglilitis.

Hinimok din ng dalawang simbahan ang kanilang mga miyembro at ang sambayanang Pilipino na manatiling mapagmatyag at mapanalanginin sa gitna ng umiiral na kawalang-katiyakan sa pulitika, at manindigan para sa katotohanan at hustisya habang tinatanggihan ang anumang hakbang na nagdudulot ng pagkakahati-hati at nagpapahina sa mga institusyon ng pamahalaan.

Ayon sa IFI, sa pahayag na nilagdaan ng Obispo Maximo nitong si Most Rev. Joel Porlares, “nagdulot ng pangamba ang mga kamakailang pangyayari at biglaang pagbabago sa liderato ng Senado sa marami nating mamamayan, at nagbukas ng lumalaking hinala na maaaring layunin ng mga hakbang na ito na pahinain ang proseso ng pananagutan o protektahan ang mga opisyal ng gobyerno mula sa masusing pagsusuri.”

Dagdag pa ni Porlares, marami na ang nagtatanong kung bakit tila kumikilos ang Senado sa paraang maaaring makapagpabalam sa impeachment proceedings laban sa Bise Presidente habang tila nagbibigay-proteksyon naman sa isang kapwa senador na maaaring managot sa batas.

“Sumasalamin ang mga tanong na ito sa mas malalim na usapin kung nananatiling tapat ba ang mga opisyal ng pamahalaan sa kanilang mandato sa Konstitusyon at sa kanilang moral na pananagutan sa taumbayan,” ani Porlares.

Binigyang-diin din ni Porlares na isang tiwala ng publiko ang pagiging opisyal ng gobyerno at hindi pananggalang laban sa pananagutan.

“Hindi naririyan ang Senado upang protektahan ang personalidad o alyansang pulitikal kundi upang itaguyod ang katotohanan, hustisya at ang rule of law. Kapag ang mga institusyong inaasahang managot ay nagmumukhang hadlang sa pananagutan, nawawasak ang moral na kredibilidad ng pamahalaan,” dagdag ni Porlares .

Nanawagan din ang IFI sa Senado na tuparin ang tungkulin nito nang may integridad, transparency at tapang.

“Dapat umusad ang impeachment process alinsunod sa batas at due process, nang walang maniobrang pulitikal o sinadyang pagharang. Gayundin, dapat hayaang umusad ang lahat ng legal na proseso kaugnay ng anti-drug campaign nang walang hindi nararapat na pakikialam o piling proteksyon,” saad pa nito.

Hinimok din ng simbahan ang lahat ng opisyal ng gobyerno na alalahanin na dapat gamitin ang kapangyarihan alinsunod sa hinihingi ng hustisya, katotohanan at pananagutan, sa harap ng taumbayan at ng Diyos.

Samantala, sinabi ng ECP sa pahayag na nilagdaan ni Prime Bishop Rev. Nestor Poltic na “hindi tinatawag ang Senado upang protektahan ang personalidad o alyansang pulitikal kundi upang itaguyod ang katotohanan, hustisya at ang rule of law.”

“We therefore earnestly call upon the Senate to carry out its constitutional duties with integrity, transparency, and courage. The impeachment process must proceed according to law and due process, free from political maneuvering or deliberate obstruction,” ayon kay Poltic.

Ipinahayag din ni Poltic ang “matinding pagkabahala” ng simbahan sa biglaan at umano’y pulitikal na pagbabalik ni Sen. Dela Rosa matapos ang anim na buwang pagkawala kaugnay ng arrest warrant na inilabas ng ICC laban dito.

Ayon kay Poltic, nagaganap ang mga pangyayaring ito sa isang kritikal na yugto ng demokratikong buhay ng bansa, lalo na sa gitna ng nagpapatuloy na impeachment proceedings.

“Bilang isang Simbahang nakatuon sa katotohanan, hustisya, pananagutan at kabanalan ng mga demokratikong institusyon, tinitingnan namin ang mga pangyayaring ito nang may matinding pangamba. Ang mga hakbang na tila may motibong pulitikal at nakagagambala sa katatagan ng institusyon ay maaaring magpahina sa tiwala ng publiko sa isa sa pinakamataas na sangay ng ating Republika,” ani Poltic.

Dagdag pa niya, sa panahong kailangan ng bansa ang mahinahon at matatag na liderato, integridad at katapatan sa demokratikong proseso, ang biglaang maniobrang pulitikal sa Senado ay lalo lamang nagpapalalim sa kawalang-katiyakan at nagpapababa sa kumpiyansa ng publiko sa pamahalaan.

“May banal na tungkuling konstitusyonal ang Senado na pairalin ang pagiging patas, due process at rule of law. Anumang hakbang na sumisira sa mga pananagutang ito ay nagpapahina sa pundasyong demokratiko ng ating bansa,” aniya.

Dagdag pa ni Poltic, dapat manatiling malaya ang mga demokratikong institusyon mula sa hindi nararapat na presyur sa pulitika at interes ng mga partidong pulitikal, lalo na sa mga prosesong may pambansang kahalagahan gaya ng impeachment trial.

Sa huli, nanalangin ang ECP na pagkalooban ng Makapangyarihang Diyos ng karunungan ang mga lider ng bansa, patatagin ang mga demokratikong institusyon, at gabayan ang bansa tungo sa kapayapaan, hustisya at pagkakaisa.