Advertisers

Advertisers

Pulis nakuhanan ng P13.6m shabu sa Zamboanga

0 7

Advertisers

KULONG ang isang police staff sergeant nang makum-piskahan ng dalawang kilong shabu sa entrapment operation ng Philippine Drug Enforcement Agency 9 sa Barangay Sta. Maria, Zamboanga City, hapon ng Sabado, May 16.
Nasa kustodiya na ng PDEA 9 ang 45-anyos na pulis na si Nager Indal Abdulbasir, kasapi ng isang unit sa Basilan ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region.
Tiniyak nitong Linggo ng PRO-BAR officials sa kanilang headquarters sa Camp SK Pendatun sa Parang, Maguindanao del Norte na kanilang agad ipo-proseso ang ‘dishonorable discharge’ ni Abdulbasir sa serbisyo.
Abot ng P13.6 million ang halaga ng shabu na nasamsam sa kanya ng PDEA agents at mga pulis sa naturang operation.
Sa ulat nitong Linggo ni Bryan Babang, director ng PDEA 9, agad pinosasan si Abdulbasir ng kanilang agents at mga pulis na kanyang nabentahan ng dalawang kilong shabu sa gilid ng mataong kalye sa Barangay Sta. Maria sa Zamboanga City.
Ayon kay Babang, kanilang naikasa ang ma-tagumpay na operation sa tulong ng barangay at city officials at ni Brig. Gen. Edwin Quilates, director of the PRO 9.