Advertisers

Advertisers

GOBYERNO ‘NA-HOSTAGE’ NG DERMALOG

0 4

Advertisers

MAY “nagpasa” sa atin ng kopya ng desisyon ng Ombudsman noong 2023 kung saan ibinasura ang reklamo ng “DERMALOG” laban dito kina Atty. Romeo Vera Cruz Atty. Mercy Jane Paras-Leynes, parehong opisyal at miyembro ng ‘Bids and Awards Committee’ (BAC) sa Land Transportation Office (LTO).

Sapul nang pumasok sa “eksena” itong DERMALOG sa termino ni PNoy at mangontrata sa LTO, nabatbat na ito sa mga kaso at kontrobersiya.

Huli nating nabasa, may nakatenggang apela ang Office of the Solicitor General (OSG) sa Korte Suprema noong 2025 para makansela ang kontrata ng LTO at DERMALOG noon namang 2018 na nagkakahalaga ng P3.19 bilyon.

Hindi natin kilala itong sina Atty. Vera Cruz at Leynes, mga kabayan. At bagaman may katagalan na ang desisyon ni Ombudsman Samuel Martirez, mainam pa rin na matalakay dahil lumalabas na mistulang ‘na-hostage’ nitong DERMALOG ang gobyerno at nalagay sa peligro ang ating ‘national security.’

Bakit kanyo? Eh, sa imbestigasyon mismo ng LTO Information Management Division (IMD), hindi pala puwedeng mag-imprenta ng sariling driver’s license ang LTO at sino mang bagong kontraktor para sa D/L, nang hindi dadaan sa sistema ng DERMALOG!

At makakagawa rin ng ating lisensiya ang kumpanya kahit nasa labas ito ng ‘Pinas at wala nang kontrata sa LTO, sanamagan!

Lumalabas din na “napag-initan” at “pinersonal” lang ng DERMALOG sina Atty. Vera Cruz at Leynes nang kaladkarin sila sa Ombudsman noong 2021 dahil ang “nakabuking” sa kanilang ‘hostage-taking’ sa paggawa ng D/L, ang LTO-IMD, mga IT consultants nito, hindi isinama sa demanda. Hindi rin isinama ang hepe ng LTO.

“Napag-initan” ang dalawa dahil tumanggi silang ibigay ang kontrata sa DERMALOG para sa 2021 procurement matapos mabigo ang kumpanya na ilipat (turnover) sa LTO ang mga security codes, ‘softwares’ at iba pang mahahalagang teknolohiya kaugnay ng napanalunan nilang kontrata simula 2017 hanggang 2019.

Noon kasing 2020, ang kontrata ay naibigay sa ‘ALLCARDS’ pero hindi ito nakatupad sa obligasyon. Lingid kasi sa kanilang kaalaman—at ng LTO—DERMALOG pa rin ang may epektibong kontrol sa sistema ng LTO sa paggawa ng D/L kahit nga wala na ito sa eksena.

Kaya paano makagagawa ng lisensiya kung ang kontrol sa sistema ay hawak ng dayuhang animal, ehek, Aleman?

Samantala, milyones na ang nagrereklamo dahil nga “papel” lang ang ibinibigay noon na lisensiya ng LTO kaya noong 2021, kahit hindi nila gusto, ‘na-DQ’ ang ALLCARDS at naibalik ang kontrta sa DERMALOG.

Eh, ‘yun bang mga naging paglabag ng DERMALOG sa kanilang mga obligasyon para maibalik sa LTO ang ‘independence’ sa paggawa ng D/L, natupad na kaya, LTO Assec. Markus Lacanilao?

Kung tayo ang tatangungin, dear readers? Ang mga ganitong kontratista, hindi lang dapat nasa ‘blacklist,’ bagkus naghihimas ng rehas na bakal!

Abangan!