‘CONVENTIONAL MEDIA’, PINURI NI NBi CHIEF MATIBAG; BATAS PARA MA-REGULATE ANG SOCIAL MEDIA USERS NA NAGPAPANGGAP NA JOURNALISTS, ITINUTULAK
Advertisers
INIHAYAG ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag na dapat ay magkaroon ng batas na lilikha ng mga pamantayan ukol sa social media reporting, sa gitna ng diumano ay dumaraming tao na ginagamit ang social media platform habang nagpapanggap na mga journalists.
Sa ginanap na MACHRA Balitaan news forum ng Manila l City Hall Reporters’ Association (MACHRA), binati at pinasalamatan ni Matibag ang mga miyembro ng conventional o mainstream media para sa kanilang pagsisikap na mailabas ang mga kaganapan sa bansa nang nakabatay sa ‘facts’ at sa professional na pamamaraan.
“Congrats to your efforts sa pagbalita ng mga nangyayari. The media has been doing a great job especially the conventional media like you, na talaga namang nagdaan sa proseso ng pagiging miyembro ng media, nag-aral talaga ng journalism, communication arts or literature,” ayon sa NBI chief.
Ani Matibag, sa panahon ngayon ng social media at internet, marami umanong mga hamon kaya’t isa siya sa mga nagtutulak na magkaroon ng batas na lilikha ng mga alituntunin at pamantayan na siyang makasasakop sa social media reporting.
Ayon pa sa kanya, marami sa ngayon ang gumagamit sa mga social media platform upang iprisinta ang kanilang mga sarili bilang mga mamamahayag o lehitimong miyembro ng media subalit walang sinusunod na alituntunin.
“Unlike you… if not all, most of you… who follow certain rules n regulations covered by the MTRCB, the Kapisanan ng mga Broadcaster sa Pilipinas (KBP), mga diyaryo. They have been very careful because they know that they are covered by laws and the Revised Penal Code,” ani Matibag.
Nagpasalamat si Matibag sa mga conventional o mainstream media members para sa kanilang patas na ‘coverage’ ng mga kaganapan sa bansa at hinimok ang mga ito na ipagpatuloy ang maganda nilang ginagawa.
Tiniyak din niya sa mga ito na sa kanyang personal na kakayanan at bilang NBI Director ay tutulong siya sa kanila kung kinakailangan. (JERRY S. TAN)