Advertisers
INILABAS na ng Malacañang ang ilang video clips mula sa CCTV footage ng Senado na nagpapakita ng paglabas ng mga indibidwal na sinasabing sina Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa at Sen. Robin Padilla mula sa gusali ng Senado hanggang sa pagsakay sa isang puting SUV.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), makikita rito ang naging galaw ng mga indibidwal na tinukoy ng PNP-CIDG kaugnay ng insidente.
Sinasabing sa unang video clip, makikita ang isang lalaking naka-barong na sinasabing si Senador Robin habang naglalakad palabas ng gusali. Kasunod niya ang isang babaeng nakasumbrero na may dalang kulay asul at berdeng bag.
Sunod namang makikita ang isang lalaking naka-asul na jacket at sumbrero na tinukoy umano bilang si Senador Bato kung saan may isa pang lalaking nakasunod sa kanila habang papalapit sa labasan ng gusali.
Samantala, sa isa pang video, makikita naman ang grupo habang tuluyang lumalabas ng gusali ng Senado.
Kasunod nito ang footage sa parking area kung saan nakaabang ang isang puting SUV na agad nilang sinakyan bago umalis sa Senate premises.
Ayon sa mga awtoridad, bahagi ang mga nasabing video clips ng mga ebidensiyang isinumite ng PNP-CIDG sa Department of Justice bilang bahagi ng imbestigasyon sa insidente ng discharged firearms sa Senado noong Mayo 13 hanggang sa pag-alis umano ni Dela Rosa madaling-araw ng Mayo 14. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)