Advertisers
MAYNILA— Binigyang-diin ni FPJ Panday Bayanihan Party-list Representative Brian Poe ang kahalagahan ng transparency at pananagutan sa gobyerno sa kanyang talumpati para sa Right to Information Bill.
Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations, ipinahayag ni Poe ang buong suporta sa panukala na kinabibilangan ng House Bill No. 1187—ang kauna-unahang batas na inihain niya sa kasalukuyang Kongreso.
Ayon sa mambabatas, ilang dekada na ring hinihintay ng bansa ang repormang ito na naglalayong labanan ang korapsyon at pang-aabuso sa kapangyarihan.
Inalala rin ni Poe ang binitawang salita ng kanyang ina, ang dating Senadora Grace Poe, patungkol sa Freedom of Information (FOI). Aniya, isinasabuhay ng panukalang ito ang tinatawag na “Sunshine Principle” o ang paniniwala na ang pagbubukas ng mga transaksyon ng pamahalaan sa mata ng publiko ang pinakamabisang paraan para maiwasan ang katiwalian.
“Ang bawat Pilipino ay may karapatan sa tapat, mabilis, at madaling ma-access na impormasyon mula sa kanilang pamahalaan,” pahayag ni Poe.
Matapos maipasa ng Senado ang kanilang bersyon ng RTI, nanawagan si Poe sa Kamara na huwag sayangin ang pagkakataon, lalo pa’t bukas naman sa ganitong reporma sina Pangulong Marcos Jr. at Speaker Dy.
Pinasalamatan din niya ang mga katuwang na advocates, civil society partners, at mga kinatawan ng media na patuloy na nakikipaglaban para sa transparency. Kasabay nito, umapela rin ang mambabatas sa Committee on Appropriations na tiyaking mapopondohan nang sapat ang implementasyon ng batas kapag naipasa ito.
Ayon sa kanya, magiging epektibo lamang ang transparency kung may sapat na pasilidad at kakayahan ang mga ahensya na maghatid ng impormasyon sa publiko nang mabilis at maayos.
Sa huli, iginiit ni Poe na ang batas na ito ay hindi para sa mga politiko kundi para sa pagbibigay-kapangyarihan sa mga ordinaryong Pilipino gaya ng mga nagbabayad ng buwis, manggagawa, commuter, at mga magulang upang malaman kung paano sila pinagsisilbihan ng gobyerno.
“Sana ay suportahan ng komiteng ito ang pagpasa ng substitute bill sa Right to Information. Gawin na natin sa wakas na ang transparency ang maging pamantayan, at hindi isang exemption,” panawagan ni Poe. (Cesar Barquilla)