Advertisers

Advertisers

Isko: ER ng Ospital ng Maynila pansamantalang isasara para sa agarang rehabilitasyon

0 4

Advertisers

Pansamantalang isasara ang emergency room ng Ospital ng Maynila Medical Center mula Mayo 24 hanggang Hunyo 1, 2026 upang sumailalim sa agarang pagkukumpuni at pag-upgrade ng mga pasilidad nito.

Inanunsyo ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagosoang pansamantalang pagsasara sa kanyang “Talk to the People” broadcast nitong Huwebes, Mayo 21.



Ayon sa alkalde, ilang linggo nang naghahanap ng paraan ang pamahalaang lungsod upang maisagawa ang rehabilitasyon ng ER nang hindi itinitigil ang operasyon nito, ngunit napag-alamang hindi ito ligtas gawin.

“Napagpasyahan na ng inyong lingkod to bite the bullet. Isara natin saglit,” ani Domagoso, sabay giit na ito ang kinakailangan at responsableng hakbang.



“Hindi po ligtas para sa lahat. Sa lahat ng nasa loob: sa pasyente, doktor, at manggagawa,” dagdag niya. “Ginawa na namin yung lahat ng diskarte, lahat ng abilidad, lahat ng pamamaraan na hindi madistorbo yung emergency room, pero hindi po talaga pwede.”

Ayon naman kay City Health Officer Dr. Grace Padilla, ang mga pasyenteng mangangailangan ng agarang lunas ay ililipat muna sa anim na pampublikong ospital na pinapatakbo ng lokal na pamahalaan habang isinasagawa ang pagkukumpuni ng emergency room.



Naglatag na rin ang lungsod ng mga ambulansya at nagtayo ng tent area sa labas ng ospital upang tumanggap ng mga darating na pasyente sa loob ng isang linggong pagsasara.

Tiniyak naman ng alkalde na tuluy-tuloy ang trabaho, 24 oras kada araw, upang muling mabuksan ang emergency room pagsapit ng Hunyo 1.

“Isang linggo lang ang kompromiso ko, at tiyak dadaloy din ang ginhawa, aaliwalas din yung Emergency Room ng Ospital ng Maynila,” ani Domagoso. (BP)