Advertisers
UMAPELA si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa na “sumuko” na lamang at harapin ang warrant of arrest na inilabas laban sa kanya.
Sa isang press conference noong Biyernes, sinabi ni Matibag na mayroon nang pangkat ang kawanihan na aktibong naghahanap kay Dela Rosa kasunod ng utos ng Department of Justice (DOJ) noong Huwebes na ipatupad ang warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC) laban kay dela Rosa kaugnay ng umano’y pagkakasangkot niya sa madugong digmaan laban sa droga ng administrasyong Duterte.
Ayon kay Matibag, dahil dalawang bagay lang ang pagpipilian ni dela Rosa, ang maaresto o sumuko, Isang opsyon ang sumuko.
Nang tanungin kung nasa Pilipinas pa rin si dela Rosa, hindi direktang kinumpirma ni Matibag ngunit binanggit na wala pang rekord mula sa Bureau of Immigration na nagpapahiwatig na umalis na ng bansa ang senador.
Samantala, nang tanungin kung mayroon siyang mensahe para sa publiko na tumulong sa paghahanap sa senador, sinabi ni Matibag na maaaring hindi na kailangan pang humingi ng tulong ang mga tagapagpatupad ng batas dahil “obligasyon bilang mga mamamayan ng bansa na tumulong kung may mga takas sa hustisya na alam natin.
Sinabi pa ni Matibag na aarestuhin ang takas na Senador dela Rosa, gusto man niya o hindi dahil kailangang ipatupad ang batas nang walang takot o pabor.
Ang mga ahensya ng pagpapatupad ng batas ng Pilipinas, na kinabibilangan ng PNP at NBI, ay inatasang magsagawa ng pag-aresto sa senador.
Noong Miyerkules, inilabas ng Korte Suprema ang desisyon nito na tumanggi sa kahilingan ni dela Rosa para sa isang pansamantalang restraining order upang harangan ang mga local law enforcement sa pag-aresto sa kanya batay sa mga potensyal na warrant ng ICC o mga foreign warrants nang walang utos ng korte ng Pilipinas.
Si Dela Rosa ay kabilang sa mga personalidad na itinalaga bilang mga kapwa may sala sa crimes againts humanity na isinampa laban kay Duterte sa ICC, habang siya ay nagsilbi bilang hepe ng Philippine National Police mula 2016 hanggang 2018. (JOJO SADIWA)