Advertisers
Sinampahan ng kaso sa Office of the Ombudsman ang isang ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) at dalawa nitong kasamahan dahil sa umano’y pangingikil ng halagang P500,000 mula sa pangulo ng isang kumpanya na nagbebenta ng mga natural health products, bilang mobilization fee sa reklamong isinampa ng huli sa kanilang ahensya.
Kaugnay nito nahaharap sa kasong estafa, bribery at paglabag sa Repubic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) sina Melanio Lino Gatchalian, NBI agent at ang mga kasamahan niyang sina Carrey Santos at isang nagngangalang Chris. Nag-ugat ang mga kaso sa reklamong inihain ni Dr. Edinell Calvario, Presidente ng EC Healing Well Corp, na may tanggapan sa No. 522 Quirino highway Barangay Talipapa, Novaliches, Quezon City.
Nabatid sa kanyang complaint-affidavit, humingi ng tulong si Calvario kay Gatchalian para imbestigahan at hulihin ang mga indibidwal na ginagamit umano ang mga broadcast video ng kanyang TV program na “Healing Galing” nang wala pahintulot. Ipinapakita umano ng mga naturang indibidwal na iniendorso ni Calvario ang ilang mga produkto na hindi nila lehitimong produkto.
Base sa record, si Calvario ang producer ng “Healing Galing” program na kung saan pinopromote ang mga produkto ng EC Healing Well bukod sa social media.
Binigyang-diin ni Calvario na hindi niya iniendorso ang mga produktong ipinapakita sa mga edited videos.
Bunsod nito humingi ng tulong si Calvario sa mga respondent sa ginanap na pulong noong Enero 22, 2025 sa Golden Bay Fresh Seafoods Restaurant sa Lot 3 & 4 Block 4A, CBP Diosdado Macapagal, Pasay.
Sinabi pa ni Calvario na nagbigay siya ng halagang P20,000 kay Santos bilang honorarium/consultation fee.
Ilang araw matapos ang naturang miting, ipinagbigay-alam ng production consultant ni Calvario na humiling si Santos ng miting ayon sa utos ni Gatchalian. Pinasabi din umano ni Gatchalian na maghanda ng halagang P500,000 para sa pagproseso ng reklamong isasampa ni Calvario sa mga taong nag-edit ng video ng kanyang programa.
Inatasan din umano ni Gatchalian si Santos na ipaalam sa complainant na ang paunang bayad na P250,000 bilang down payment ay ibibigay sa susunod nilang miting at ang balance na P250,000 ay ibibigay matapos na maaresto ang mga taong inirereklamo ni Calvario.
Sa ikalawang miting nila noong Pebrero 11, 2025 sa kaparehong restaurant, dinala ni Calvario ang mga complaint-affidavit na isasampa nito laban sa mga taong nag-edit ng video ng kanyang programa, upang ibigay sa mga respondent.
Sa naturang miting, hindi tinanggap ni Gatchalian ang mga naturang complaint-affidavit at sinabing isama ang mga ito sa NBI complaint form na isusumite sa kanilang ahensya.
Sa kabila nito, ibinigay pa rin ni Calvario ang halagang P250,000 kay Santos. Matapos na tanggapin ang naturang pera, sabay-sabay na nagpa-alam ang tatlong respondent na pupunta sa banyo subali’t hindi na bumalik.
Kaugnay nito noong Marso 4, 2025, dinala ng isang staff ni Calvario ang mga complaint-affidavit laban sa mga taong nag-edit ng video ng kanyang programa sa tanggapan ng NBI. Kinumpirma din ni Santos sa complainant na natanggap na ni Gatchalian ang mga isinumiteng complaint form at affidavit.
Ilang araw matapos ang pagsumite ng mga complaint-affidavit sa NBI, napansin umano ng complainant na walang nangyari sa kasong kanyang inihain sa NBI kayat minabuti ni Calvario na mag-demand na ibalik ang halagang P250,000 na kanyang ibinagay sa mga respondent.
Sa halip na ibalik ang pera, sa utos ni Gatchalian, pinayuhan ni Santos si Calvario na bawiin na lamang ang kasong inihain nito sa NBI at magsagawa na lang ng direct filing sa prosecutor’s office na tinanggihan at tinutulan ng huli.
Samantalang inabisuhan naman ni Gatchalian ang staff ni Calvario na ibabalik niya ang pera subali’t hindi ang buong halaga na tinanggihan naman ng huli.(Boy Celario)