Advertisers

Advertisers

DOH: Higit 4,600 bagong kaso ng HIV naitala sa unang quarter ng 2026

0 4

Advertisers

UMABOT na sa kabuuang 4,600 na bagong kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) ang naitala ng Department of Health (DOH) sa bansa sa unang tatlong buwan ng 2026.

Batay sa pinakahuling datos mula sa HIV and AIDS Surveillance of the Philippines, umabot sa 4,633 bagong HIV cases ang naitala mula Enero hanggang Marso ngayong taon, na siyam na porsiyentong mas mataas kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Sa kabuuang bilang, sinabi ng DOH na 1,104 o 24 porsiyento ng mga bagong kaso ay nasa advanced HIV stage na nang sila ay ma-diagnose.



Umabot sa average na 51 kaso kada araw ang naitala ngayong quarter. Mas mababa ito ng 11 porsiyento kumpara sa 57 daily cases na naitala sa kaparehong panahon noong 2025.

Samantala, ang average monthly cases ay nasa 1,544, na mas mababa rin ng siyam na porsiyento kumpara sa 1,693 monthly cases noong nakaraang taon. Pinakamataas ang bilang ng mga bagong kaso sa National Capital Region (NCR) na may 989 infections, sinundan ng Calabarzon na may 808, Central Luzon na may 551, Soccsksargen na may 277, at Davao Region na may 263 kaso.



Ayon sa DOH, ang limang rehiyong ito ay bumubuo sa 62 porsiyento o 2,888 ng lahat ng bagong kaso sa bansa sa nasabing panahon.

Karamihan sa mga bagong kaso ay kalalakihan, kung saan 4,381 ang lalaki habang 252 naman ang babae. Ang edad ng mga bagong naitalang kaso ay mula dalawang taong gulang hanggang 77 taong gulang.



Batay naman sa National HIV Care Cascade noong Marso 2026, tinatayang nasa 288,000 katao ang nabubuhay na may HIV sa Pilipinas, ngunit 55 porsiyento pa lamang o 157,350 ang kumpirmadong diagnosed o laboratory-confirmed.