Advertisers

Advertisers

1M sako ng bigas sinimulan nang ipamahagi ni Leviste sa Batangas

0 4

Advertisers

Sinimulan na ni Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste ang pamamahagi ng isang milyong sako ng bigas sa mga pamilyang hindi pa nakakatanggap ng tulong mula sa pamahalaan sa buong lalawigan.

“Magbibigay ako ng isang milyong sako ng bigas para sa lahat ng pamilyang hindi pa nabibigyan ng ayuda ng gobyerno sa Batangas, dahil ikinalulungkot ko ang pagpili sa pamamahagi,” ani Leviste.

Nilinaw ng mambabatas na ang isang bilyong pisong halaga ng bigas ay personal niyang tulong at walang gastos ang gobyerno. “Walang hintayan sa photo-op at walang pipiliin (sa distribusyon),” diin niya.

Nagsimula ang pamamahagi noong Lunes, matapos ibigay ni Leviste ang 20,000 sako ng bigas sa mga parokya sa Batangas City na inirekomenda ni dating Governor Dodo Mandanas. Noong Huwebes naman, nakatanggap ng 20,000 sako ng bigas ang mga barangay health worker, tanod, at iba pang barangay functionaries sa unang distrito ng Batangas na una nang  hindi napasama sa pinakabagong distribusyon ng probinsya.

Ayon kay Leviste, 84 barangay sa kanyang distrito ang hindi nakatanggap ng tulong sa ilalim ng “Bawat Barangay Makikinabang” program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na inilunsad noong Abril 24. Ayon sa mga apektadong barangay captain, sinabihan sila ng Kapitolyo na hindi sila isasama dahil sa umano’y “tampururot.”

Nanawagan si Leviste sa kanyang mga kapwa pulitiko na huwag hayaang mapigilan ng pulitika ang pagtulong. “Hinihikayat ko ang mga lokal na opisyal na makipagtulungan para tiyaking makarating ang bigas sa bawat pamilyang nangangailangan,” aniya.

Si Leviste, anak ng Senador Loren Legarda at dating Gobernador Antonio Leviste, ay kasalukuyang nagsisilbing kinatawan ng unang distrito ng Batangas mula pa noong Hunyo 2025.