Advertisers

Advertisers

ANG BUMAGSAK NA TULAY SA DAVAO CITY

0 2,522

Advertisers

NOONG Biyernes, may natanggap kami na ilang dokumento tungkol sa bumagsak na tulay sa Davao City, ang siyudad sa Mindanao na pinanggalingan ni Gongdi, dating pangulo, at anak na si Misfit Sara, kasalukuyang bise presidente. Tungkol ang mga dokumento sa Callawa Mandug Bridge sa Barangay Callawa ng naturang lungsod.

Isang dating estudyante namin sa journalism school na ngayon ay may kaugnayan sa DPWH ang kumontak at nagpasa ng mga dokumento. Isa sa mga ito ang kopya ng kontrata tungkol sa paggawa ng Callawa Mandug Bridge, na may DPWH Contract ID Number 17L00133. Patunay ito ng tunay na gumawa ng tulay at hindi ang unang ibinalita ng ilang pipitsuging blogger na pawang nangauna nagsalita kahit walang malinaw na detalye.

Kontrata ito sa pagitan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Premium Megastructures Inc., isang pribadong kompanya na nagsilbing kontratista na gumawa sa proyekto. Walang ibinigay na address na nagsilbing opisina ng Premium Megastructures kundi Palanas sa bayan ng Albuera sa Leyte.

Nilagdaan ang kontrata noong ika 11 ng Mayo, 2017. Si Allan Borromeo, ang OIC-Regional Director noon ng DPWH Region XI ang lumagda para sa DPWH. Si Jerome Butaya, general manager, ang pumirma para sa Premium Megastructures. Nagkakahalaga ang proyekto ng P184.588 milyon.

Hindi namin alam kung sino-sino ang mga may-ari ng Premium Megastructures. Hindi namin alam kung sino-sino ang mga pangunahing stockholders. Mayroon itong isang hiwalay na website sa social media kung saan kinilala ito bilang isang ISO-certified na construction company na may lehitimong pagkakakilanlan (identity).

Ayon sa kontrata, hindi saktong bridge project ang bumagsak na tulay. Isa itong road concreting and infrastructure project. Umabot lang sa 3.63%, o P6.7 milyon, ng kabuang kontrata ang para sa bridge construction ng tinawag na Callawa Mandug Bridge.

Natapos ang proyekto noong 2018. Sa kabila ng idineklarang halaga na P184 milyon, bumagsak agad ang tulay kamakailan, o walong taon makaraan itong naitayo. Hindi masabi kung naging matino ang bridge construction at road concreting.

Hindi masabi kung binantayan ng DPWH ang trabaho. Hindi masabi kung may kapabayaan sa bahagi ng DPWH at kahit sa Premium Megastructures, ang kontratista.

Bumagsak umano ang tulay dahil sa lakas ng ragasa ng baha. Ayon sa ilang ulat, may lawak lang ng 15 metro ang daluyan ng tubig sa lugar. Ngunit lumawak ito sa 40 metro dahil sa lakas ng ulan. Nasama ang kalsada at tulay.

***

KASAMA kami sa mga humihingi ng pagbabago sa Senado. Kasama kami sa mga netizen na naniniwala na naging pugad ng mga kriminal at manlilinlang ang Senado. Magsisimula ang pagbabago kung sisipain ng mga senador si Alan Peter Cawatano bilang Senate President at itatalaga alinman kina Sherwin Gatchalian, Kiko Pangilinan, at Tito Sotto bilang kapalit ni Cawatano na lubhang bumaho ang pangalan.

Ano ang problema ng mga senador na kasapi sa Majority Bloc? Humaharap sa sakdal na crimes against humanity si Bato dela Rosa. May inisyu ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC). Hindi hinarap ni Bato ang kanyang pananagutang sa libo-libong patayan kaugnay sa madugo pero palpak na war on drugs ni Gongdi.

Tinakbuhan ni Bato ang arrest warrant at kasalukuyang nagtatago. Hindi namin alam kung hanggang saan aabot ang kapal ng mukha at kawalan ng kahihiyan ni Bato dahil isa siyang PNP chief. Ganap na nawalan siya ng natitirang dangal.

Nahaharap sa sakdal na plunder at indirect bribery sa Office of the Ombudsman si Rodente Marcoleta, ang maingay na mambabatas na kinilala sa kawalan ng kahihiyan. Hindi nahihiya si Rodente na bali-baligtarin ang letra ng batas upang isulong ang mahiwagang pakay na ilusot ang mga kriminal. Ginawa niya ang ganito sa mag-asawang Discaya.

Ipinamamarali niya na hindi kailangan isauli ng mag-asawang Discaya ang kanilang kinulumbat upang maging state witness. Pinagtawanan si Rodente sa kanyang kakatwang katwiran dahil hindi totoo na wala sa batas ang isauli ang ninakaw. Iyan ang pangunahing hinihingi ng batas – isauli muna ang ninakaw bago maging state witness.

May bali-balita na may bumabang arrest warrant mula ICC kay Bong Go, ang tapat na alalay ni Gongdi. Si Bong Go ang nagpondo sa palpak na war on drugs ng kanyang amo. Nagbigay siya ng pabuya at gantimpala kapalit sa walang humpay na pagpuksa sa mga pinaghinalaang adik.

Magkasama sina Tricky Tsis Escudero, Jinggoy Estrada, at Joel Villanueva sa mga hinihinalang sangkot sa pandarambong sa kaban ng bayan kaugnay sa anomalya sa pondo ng flood control program. Kumikilos ang sakdal laban sa kanila at maaari silang dakpin anumang oras.

Pinaghihinalaang sangkot ang pamilya Villar sa market manipulation, insider trading, at misleading financial disclosure ng kanilang kompanya. Ganap na pipilayin ng gobyerno ang kompanya ng mga Villar na kilala sa pagiging oportunista. Dalawang kasapi ng Senado ay Villar – si Mark na naging DPWH secretary at Camille.

Humarap si Camoteng Robin Padilla at Alan Peter Cawatano sa paratang na obstruction of justice dahil saila ang nagpakana at nagsabwatan upang lumantad si Bato at patakasin. Kasalukuyang sinisiyasat ito ng PNP at NBI. May bintang na sangkot si Cawatano sa P11.5 bilyon pondo ng SEA Games noong 2019. Wala siyang isinumiteng financial statement tungkol dito.

Sangkot naman ang anak ni Loren sa ibinigay na prangkisa sa anak na umabot sa P34 bilyon. Pinagmumulta ang anak ng P24 bilyon dahil sa paglabag sa kontra sa gobyerno. Maingay lang ang anak pero kapag sumulong ang aunto, hindi malayo na humimas siya na rehas.