Advertisers

Advertisers

PEZA inilapit ang serbisyo ng gobyerno sa mga manggagawa sa Cavite Economic Zone

0 6

Advertisers

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-46 anibersaryo ng Cavite Economic Zone (CEZ), inilunsad ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) ang “PEZA Festival of Mobile Government Services” upang mas mapalapit sa mga manggagawa at kanilang pamilya ang mahahalagang serbisyo ng gobyerno.
Idinaos ang tatlong araw na aktibidad na sinimula nitong Lunes, Mayo 25 hanggang Mayo 27 sa CEZ Function Room sa Rosario, Cavite kung saan samu’t saring serbisyo mula sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno ang inilapit mismo sa loob ng ecozone.
Nakibahagi sa naturang aktibidad ang grupo ng Unified Ecozones of the Philippines (Batang Ecozone) na pinangunahan ni Engr. Jerenato ‘Jerry’ Alfante.
At kabilang sa mga lumahok na ahensya ang Philippine Statistics Authority (PSA), Pag-IBIG Fund, PhilHealth, Social Security System (SSS), Land Transportation Office (LTO), at Permit to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) Secretariat ng Philippine National Police (PNP).
Ayon sa opisyal ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) na si Atty. Ross Vincent S. Sy, Administrator ng Cavite Economic Zone (CEZ), na layunin ng programa na gawing mas madali at mas mabilis para sa mga ecozone workers ang pagkuha ng mga government services nang hindi na kinakailangang lumiban pa sa trabaho.
Ipinaliwanag ni Sy na “no work, no pay” ang karamihan sa mga empleyado sa economic zone, kaya malaking bagay na mailapit mismo sa kanilang lugar ng trabaho ang mga serbisyong karaniwang inaasikaso pa sa malalayong tanggapan ng gobyerno.
“We hope na hindi na nila kailangang mag-leave para lamang kumuha ng government IDs o mag-avail ng government services,” ani Sy.
“Sa ganitong paraan, makakapasok pa rin sila sa trabaho at hindi mababawasan ang kanilang kita. Maaari nilang asikasuhin ang kanilang kailangan sa lunch break o kung papayagan man sila ng kanilang employer nang saglit,” dagdag pa ni Sy.
Sinabi rin ni Sy na umaasa silang sa loob lamang ng isang araw ay maipoproceso agad ng mga manggagawa ang kanilang mga dokumento, claims, at iba pang government transactions.
Ayon pa kay Atty. Sy, na ikalawang taon nang isinasagawa ng CEZ at PEZA ang ganitong government service caravan matapos niya itong simulan noong nakaraang taon bilang bahagi ng mas malawak na programang nakatuon sa kapakanan ng mga manggagawa sa ecozone.
“Sinimulan namin ito noong ako ay naging zone administrator at simula pa lamang nitong Enero ay nakikipag-coordinate na kami sa iba’t-ibang government agencies sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga liham at request for assistance,” wika ni Sy.
Ibinahagi rin ni Sy na mas marami ngayong participating agencies kumpara noong nakaraang taon. Kabilang sa mga bagong nadagdag ang LTO at PNP.
Umaasa rin aniya silang mas marami pang ahensya ang makakasama sa mga susunod na taon, kabilang na ang Department of Foreign Affairs (DFA) upang makapagbigay rin ng passport services.
“But we’re hoping next year na mas maaga naming maimbitahan ang DFA o kanilang consular office para maisama na rin ang issuance ng passport,” dagdag pa ni Sy.
Ayon pa kay Sy, malaking tulong ang programa hindi lamang sa mga emple-yado kundi maging sa kanilang mga pamilya at dependents na maaari ring makinabang sa mga serbisyong inilapit ng gobyerno.
Dahil dito, nanawagan siya sa lahat ng ecozone workers at kanilang mga mahal sa buhay na samantalahin ang oportunidad at maaari silang makibahagi rito kahit mag-walk in lamang at hindi mag-aatubili ang mga ahensiya ng gobyerno na asikasuhin sila.
“Naka-post na ito sa official Facebook page ng Cavite Economic Zone dalawang linggo bago ang event. Kaya patuloy pa po namin inaanyayahan ang lahat ng workers kasama ang kanilang pamilya at dependents na pumunta rito sa CEZ sa Rosario, Cavite upang mag-avail ng serbisyo mula sa iba’t- ibang government agencies,” ani Sy.
Dagdag ni Atty. Sy, bukas ang aktibidad para sa mga kwalipikadong empleyado at kanilang dependents upang mas mapadali ang pagkuha nila ng mga kinakailangang dokumento at government IDs.
Samantala, sinabi rin ni Sy na pinag-aaralan ng PEZA na gawing regular ang naturang programa bilang bahagi ng corporate social responsibility at commitment nito sa komunidad ng ecozone.
“Ngayon ay annual muna ito kasabay ng anniversary celebration ng CEZ. Pero pinag-iisipan din naming palawakin pa ito,” ani niya.
Binanggit din ni Sy na posible nilang ulitin hindi lamang ang mobile government services kundi maging ang medical at dental missions sa mga susunod na buwan, partikular pagsapit ng Disyembre.
“Parte ito ng pagbibigay namin pabalik sa komunidad at sa mga manggagawang malaki ang ambag sa economic zone,” pagtatapos ni Sy.