Advertisers
By Anne Venancio
Binasura ng Office of the City Prosecutor of Manila ang reklamong child abuse laban sa aktor na si Rob Sy at sa partner niyang si Jovelle Bacosa kaugnay ng umano’y bullying incident na kinasasangkutan ng kanilang anak.
Ibinahagi ni Rob ang bahagi ng 10-page resolution sa kanyang Facebook account nitong Miyerkules, May 27, 2026. Ang naturang resolusyon ay may petsang May 12.
Ayon sa prosecutor, walang sapat na basehan upang sampahan ng kaso sina Rob at Jovelle sa ilalim ng Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Sa resolusyon, sinabi ng prosecutor na ang alegasyon laban sa dalawa ay nakabatay lamang umano sa “speculation.”
“However, such argument appears to be merely based on speculation. Allegation is not in itself evidence,” saad sa resolusyon.
Dagdag pa rito, sinabi ng piskalya na walang “prima facie evidence with reasonable certainty of conviction” laban sa respondents.
Nag-ugat ang reklamo sa umano’y kabiguang “suhetuhin” at bantayan nina Rob at Jovelle ang kanilang anak, na sinasabing naging dahilan ng “predicament” ng anak ng complainants.
Hindi direktang pinangalanan ni Rob ang complainants sa kanyang post, ngunit naunang naiulat na sina Alfred Vargas at asawa nitong si Yasmine Vargas ang naghain ng reklamo laban kina Rob at Jovelle.
Batay sa mga naunang ulat, inakusahan umano ang anak nina Rob at Jovelle na nambully sa anak nina Alfred at Yasmine. Parehong menor de edad ang mga batang sangkot sa isyu.
Sa kanyang opisyal na pahayag, iginiit ni Rob na hindi bully ang kanilang anak at maayos nila itong pinalalaki at dinidisiplina.
Ayon pa kay Rob, mula sa simula ay nanindigan silang ang reklamo ay isang “narrative reversal” at pagtatangkang baliktarin umano ang tunay na pangyayari gamit ang media portrayals at emotional theatrics.
Sinabi rin ng aktor na dumaan sila sa online hostility, cyberbullying, at maagang paghusga ng publiko ngunit pinili nilang ipaubaya ang usapin sa proseso at mga awtoridad.
Tinawag din ni Rob na “vindication” ang naging desisyon ng prosecutor na ibasura ang reklamo laban sa kanila ni Jovelle.
Samantala, naglabas din ng pahayag ang kampo nina Alfred at Yasmine matapos lumabas ang desisyon ng prosecutor.
“We have been informed about the decision of the prosecutor. While we have yet to receive the official decision, we say with certainty that we respect the law and due process and we will continue to do so regardless of the outcome.
“In the same light, due process allows us to seek legal remedies. We will exert all available legal avenues to pursue justice for our child. Hindi pa po dito nagtatapos ang laban.
“Thank you for all your prayers.”