Advertisers

Advertisers

ISARA LAHAT NG ONLINE GAMBLING – CONG. POE

0 3

Advertisers

NANANAWAGAN si FPJ Panday Bayanihan Party-list Representative Brian Poe ng mas agresibong hakbang laban sa lumalawak na operasyon ng mga ilegal na online gambling website na patuloy nagiging banta sa kabuhayan, seguridad, at kapakanan ng maraming Pilipino.
Ayon kay Poe, dumarami ang mga reklamong natatanggap ng kanyang tanggapan mula sa mga mamamayang nawalan ng malaking halaga ng pera dahil sa mga online gambling platform na walang kaukulang rehistro at hindi saklaw ng regulasyon ng pamahalaan. Marami rin aniya ang nahihirapang mabawi ang kanilang pera at hindi alam kung saan dapat humingi ng tulong o magsampa ng reklamo.
“Hindi natin maaaring hayaan na patuloy na mabiktima ang ating mga kababa-yan ng mga ilegal na website na kumikita ng bilyun-bil-yong piso habang umiiwas sa regulasyon, pagbubuwis, at pananagutan. Kailangang kumilos ang gobyerno upang protektahan ang mga Pilipino laban sa mga mapanlinlang na operasyong ito,” ani Poe.
Binigyang-diin ng mambabatas na marami sa mga naturang platform ay nagkukunwaring mga gaming, livestreaming, o entertainment application ngunit aktuwal na nagsasagawa ng online gambling gamit ang virtual tokens, digital wallets, at iba pang electronic payment systems. Dahil sa patuloy na pag-usbong ng teknolohiya, mas nagiging sopistikado ang kanilang operasyon at mas mahirap silang matunton ng mga awtoridad.
Si Poe ang may-akda ng House Resolution No. 40, na humihiling ng imbestigasyon ng Kamara sa paglaganap ng online gambling platforms sa bansa, partikular ang mga ilegal at hindi rehistradong operator, upang matukoy ang mga kahinaan sa umiiral na batas at makabuo ng mga kinakailangang reporma.
Ayon sa mga impormasyong naitala sa mga pagdinig ng Kongreso, may ilang ilegal na operator na kumikita ng pagitan ng US$50 milyon hanggang US$70 milyon bawat buwan mula lamang sa mga Pilipinong gumagamit ng kanilang mga platform. Tinata-yang maaaring umabot sa US$840 milyon kada taon ang kanilang kabuuang kita habang nawawalan naman ang gobyerno ng humigit-kumulang P82 bilyon sa potensyal na buwis at iba pang kita.
“Hindi lamang ito usapin ng sugal. Usapin ito ng consumer protection, cybercrime, financial security, at protek-syon sa ating mga kabataan. Kapag pinabayaan natin ito, mas marami pang pamilya ang maaapektuhan at mas lalaki ang mawawalang pondo na dapat sana’y napupunta sa serbisyo publiko,” dagdag niya.
Nanawagan din si Poe sa PAGCOR, DICT, NTC, law enforcement agencies, financial institutions, at digital payment providers na paigtingin ang kanilang koordinasyon upang mapabilis ang pagtukoy, pagharang, at tuluyang pagpapatigil sa operasyon ng mga ilegal na online gambling website.
“Malinaw ang ating panawagan: isara ang mga ilegal na online gambling sites, habulin ang mga nasa likod nito, at ti-yaking hindi nagiging ligtas na kanlungan ang internet para sa mga grupong nagsasamantala sa ating mga kababayan. Ang proteksyon ng mamamayan ay dapat laging manaig kaysa sa kita ng mga ilegal na opera-syon,” pagtatapos ni Poe.