Advertisers
Naghain ng reklamo sa Office of the Ombudsman ang grupo ng mga human rights advocates, lider-relihiyoso, akademiko, kabataan, labor organizers, at mga pamilya ng mga biktima ng madugong kampanya kontra droga noong administrasyong Duterte laban kina Senate President Alan Peter Cayetano, Senador Robinhood Padilla, at Mao Aplasca dahil sa umano’y papel ng mga ito sa pagharang sa proseso ng hustisya.
Pinangunahan ng grupong Tindig Pilipinas ang paghahain ng reklamo nitong Miyerkules. Kabilang sa mga naghain sina convenors Francis Joseph Aquino Dee at Sylvia Estrada Claudio, kasama sina Cielo Magno, Fr. Flavie Villanueva, Randy delos Santos, tiyo ng pinaslang na teenager na si Kian delos Santos, Judy Ann Chan Miranda ng Partido Manggagawa, Susan Balindo ng Baigani Feminist Collective, Eugene Gonzalez at Yvonne Jereza ng Magdalo Party, Matthew Silverio ng Student Council Alliance of the Philippines, Venus Crisostomo ng Youth Resist, at Pinky Tam.
Ayon sa mga nagrereklamo, may kaugnayan ang kaso sa mga ulat na umano’y natulungan o napadali ng ilang opisyal at security personnel ang pag-iwas sa pag-aresto kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa loob ng Senado sa kabila ng umiiral na warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kinalaman sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Sinabi ni Aquino Dee na layunin ng reklamo na ipagtanggol ang isang pangunahing prinsipyo ng demokrasya, na walang sinuman ang nakahihigit sa batas.
“Ang tuntunin ng batas ay nangangailangan ng pananagutan. Hindi dapat gamitin ang pampublikong posisyon bilang panangga laban sa hustisya. Kapag ginagamit ng mga opisyal ang kanilang kapangyarihan upang hadlangan ang mga legal na proseso at protektahan ang kanilang mga kaalyado mula sa pananagutan, nilalabag nila ang tiwala ng publiko at pinahihina ang ating mga demokratikong institusyon,” pahayag ni Aquino Dee.
Binigyang-diin din ng mga complainant na hindi lamang tungkol sa isang tao ang usapin kundi tungkol sa pagtatanggol sa integridad ng mga institusyon ng gobyerno at sa pagtiyak na ang mga mekanismo ng pananagutan ay gumagana nang walang panghihimasok ng pulitika.
Tinutulan din nila ang mga pahayag na ang proseso ng ICC ay pag-atake sa soberanya ng Pilipinas. Ayon sa kanila, ang paghahanap ng hustisya para sa mga malulubhang krimen ay naaayon sa pangako ng bansa na itaguyod ang rule of law at karapatang pantao.
Dagdag pa ni Aquino Dee, bahagi ang reklamong ito ng mas malawak na kampanya laban sa impunity o kawalan ng pananagutan at bilang pakikiisa sa mga biktima ng war on drugs at kanilang mga pamilya.
Nanawagan naman ang mga naghain ng reklamo sa Office of the Ombudsman na magsagawa ng patas at walang kinikilingang imbestigasyon at tiyaking mananagot sa batas ang sinumang opisyal ng gobyerno na mapatutunayang humarang sa pagpapatupad ng hustisya.