Advertisers
Walang natitirang hiya o ganap ang kawalanghiya ng mga senador sa pagpapatuloy na bangayan upang ipakita sa taong bayan, na matitira ang matibay sa ngalan ng pwestong tangan. Hilahan, tulakan, sigawan ang naganap sa bugok na kapulungan sa layon na ‘di bumigay o ibigay ang pwestong tangan sa dami ng pagkakakitaan. Binato ng male-maletang putik ng kasalukuyan ang dating pangulo ng kapulungan na pagpapakita na ‘di bibigay sa pagpababa sa pwestong tangan. Ang umakusa at tumayo sa sala ang kagalingan ng kasalukuyan puno ng bugok na kapulungan na ang ibig tawaging, kagalang-galang. Ang masakit, nasiyahan sa presensiya ng ilang media na kinukunan ang nagaganap na patas na pagdinig. Hindi alintana na maipapaabot sa kabataan ang salang pag-uugali na ipinakikita, ang kagalingan pansarili, kaperahan, kapangyarihan at ‘di bale ang ‘di kagandahang asal. Mahiya kayo sa bayan higit sa Kabataan.
Umay ang bayan sa salang namamalas na kaguluhan sa bugok na kapulungan na ‘di mapulutan ng tamang karunungan at asal ng mga kabataan. Masakit sabihin ngunit ganap na lugmok ang institusyon sa kagalingan na pinamumugaran ng walang kwentang tao na nahalal gamit ang panlililo. O’ sadyang kapalaran ng bayan ang nagaganap dahil sa salang pagpili, paghahalal ng mga lider na mapagbalatkayo. At walang ibang sisihin kung hindi ang bayan na nasiyahan sa palabas na walang saysay sa kabuhayan, at tulay sa kagutuman.
Nagpalitan ng mga akusasyon ng mga nagbabangayang grupo sa bugok na kapulungan, silip ni Mang Juan ang nakikinabang hindi ang bayan, walang iba kung hindi si Inday Salakay. Tahimik ngunit humahagikgik sa saya ang abalang pangulo sa paglayo ng usapin na haharapin. Sa likod ng saya ni Inday Salakay, hindi mawari ang laki ng halaga na itinutustos sa nakakaraming hunghang upang tumindig at hadlangan ang palitan ng liderato ng masiguro na didinggin ang usaping kahaharapin. At kung aabot sa pagdinig, ang numero ng kakampi’y sapat upang ‘di Masipa sa pwestong tangan at makahahabol sa halalan sa ’28. Ang tagong ibig ng mga mangmang ng kaTimugan, ang makakaalagwa si Inday Salakay patungo sa halalan na inaasahang pagwawagian. Mapagwawagian sa ngalan ng kapal ng salapi, bobo at bulag na manghahalal.
Ang kaganapan sa bugok na kapulungan, silip o sadyang makakapal ang mukha ng mga kinatawan na ‘di alintana ang kaliwa’t kanang paninira at pagtuligsa sa ngalan na kami o sila ang tama. Sila ang tama o ang may tama na inaantabayanan ng mga kakosa sa loob ng Manda, pasintabi po, ng maihalal bilang puno sa pasilyo onse hanggang trese. Hindi ipagkakait ang pwestong ibig at maluwalhating iaalay sa mga kinatawan na pwestong ibig, tulad ng pangulo, pro-tempore, majority leader at mga Tserman ng mga Komite. Ang pagiging lider sa kapulungan sa Manda ay ganap marangal at alang bangayan ‘di tulad ng nagaganap sa bugok na kapulungan. Ang pagiging matabil at palatalak ng magiging punong tagapagpaganap ang inaasahan sa kung sinong ibig higit kung Kaldero. Ipasok sa pasilyo onse hanggang trese at simulan ang liderato sa loob ng Manda ng matahimik ang bayan. Higit, makakatipid si Mang Juan sa araw araw na tustusin na umaabot sa P25M kada araw kapag lumisan ang mga buktot na kinatawan.
Sa totoo lang, kalungkutan ang nadarama sa natutunghayan sa kapal ng mukha ng mga taong nagbabangayan dahil sa pwestong ibig. Hindi makuhang magpaubaya para sa kagalingan ng bayan na ‘di mawari ang kinasadlakan ng institusyong binulok ng kasakiman. Ang paghahayag ng damdamin sa nagaganap ang handog upang gisingin ang bayan sa uri ng mga lingkod sarili este bayan na inihalal. Walang puwang si Mang Juan sa puso ni Kaldero, sa puso ni Peluka, sa puso ni Babelina, sa bata ni Batman, sa mga may Villa at iba pa na sarili ang dala ng makamit ang masalimuot na lingkuran. Ngunit batid na sa huli, sisingilin sa mga salang gawa at pananagutin ayon sa bigat ng pagkakamali higit sa ‘di ihahatag na katarungan sa bayan.
Walang ibig na maganap na makasakit sa mga kinatawang bayan, ang maalis sa pwestong tangan ibig at nararapat. Ganap ang kapabayaan sa tungkuling sinumpaan na ‘di maitatago sa bayan, higit ang nagaganap na bruhaha sa kapulungan ng bugok na mga kinatawan. Ang mabago ang kalakaran sa bugok na kapulungan ang ibig na silip ng bayan maging ng nasa puno ng Balite sa Malacanan. Ang kawalang hiya sa bayan ang kalakaran na ‘di tanggap na karaniwan sa mga mararangal kuno. Masakit ang katotohanan na sala ang bayan sa mga nailuklok na ‘di magawang tanggapin ang mga pinaabot na pambabatikos dahil kuno sa panalo sa nakaraang halalan. Walang bale ang batikos sa salang gawa hanggat ‘di sala ang kaperahan mula sa bayan at sa nanay ni Mary Grace Piattos.
Sa pag-iisa, kalungkutan para sa bayan at mamamayan na nagdarahop ang nadarama sa kawalan ng malasakit ng mga lingkod sarili este bayan. Hindi naghahanap ng labis, ang malasap ang maalwang paghinga sa matagal na kahirapan ang itatangi habang buhay, na inaasahan sa mga naihalal. Pangarap lang ang makapisil o makatagpo ng matuwid sa paglilingkod, sa mga halal ng bayan. Sino ang masisiyahan sa ‘di mag-paubaya sa kagalingan ng bayan? Sino ang masisiyahan sa lider na sumasagka sa matuwid na kautusan? Sino ang masisiyahan sa lider na puro salita at alang gawa? Sino ang matutuwa na sangkalan ang pananampalataya ngunit una ang paninira sa kapwa?
Sa pangulo ng bansa, pag-isipan ang kagalingan ng bayan, pagnilayan na pag-isahin ang mga kapulungan, magiging mabilis ang pag-aayos ng batas at higit na matipid. Ang mailagay sa tama ang galawang balakid sa kaunlaran ang inaasahan higit silip ang kawalan ng inam sa gawa ng maingay na kabahayan. Walang magandang nagagawa higit ng mga batas na silip ang pakinabang ng bayan. Sa kapal ng mukha ng bugok na kapulungan na bulag, pipi at bingi sa dinaranas ni Mang Juan, uulitin, pag-isahin ang kabahayan ng sumulong ang may pakinabang na batas. Kagalingan ng bayan ang isa-isip at isantabi ang pansarili layon, buwagin ang tanggapan na sala ang gawa. Uulitin, sa bugok na kapulungan, mahiya kayo sa bayan.
Maraming salamat po!!!!