Advertisers

Advertisers

MARCOLETA: ‘WAG TAKPAN ANG KATOTOHANAN!

0 6

Advertisers

TINAWAG ni Senador Rodante Marcoleta na malaking tagumpay para sa katotohanan at pananagutan ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Huwebes kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects.

Ani Marcoleta, sa kabila ng pagtatangkang hadlangan ang paglalantad ng mga testigo, nakarating parin sa publiko ang mabibigat na alegasyon ng mga dating sundalo at security aides ni dating Ako Bicol Partylist Representative Elizaldy “Zaldy” Co.

“Matagal tayong hinahamon na maglabas ng ebidensya. Ngayon na may mga testigong humaharap at handang magsalita sa ilalim ng panunumpa, tila may mga puwersang gustong pigilan silang marinig ng sambayanan,” diin ni Marcoleta.

Sa pagdinig, lumutang ang mga alegasyon ng ilang dating Marines at security personnel tungkol sa pagdadala ng maleta na naglalaman ng malalaking halaga ng pera mula sa mga proyekto ng pamahalaan. Ayon sa mga testigo, ang mga delivery na ito ay nakarating sa matataas na personalidad sa gobyerno, kabilang sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, dating Speaker Martin Romualdez, at iba pang matataas na opisyal.

Diniin ni Marcoleta na ang mga ito ay seryosong alegasyon na nararapat imbestigahan ng buo at walang kinikilingan.

“Hindi sapat na basta itanggi lamang ang mga paratang. Ang hinihingi ng taumbayan ay isang patas, malaya at transparent na imbestigasyon,” aniya.

Ayon pa sa senador, may iba pang testigong handang humarap sa mga susunod na pagdinig upang magbigay ng karagdagang impormasyon at ebidensya hinggil sa malawakang katiwalian.

Kasabay nito, binatikos ni Marcoleta ang grupo ni dating Senate President Tito Sotto sa lantarang “pang-aagaw” ng kapangyarihan o ‘naked power grab’ upang agawin ang kontrol ng mga komite, at pigilan ang Blue Ribbon committee na dinggin ang testimonya ng mga dating sundalo.

Dagdag nya ang reorganization na pinangunahan ng minorya ay naglalayong patahimikin ang Blue Ribbon committee sa paglalahad ng katotohanan.

“Kung walang itinatago, walang dapat ikatakot. Ang Senado ay dapat maging daluyan ng katotohanan, hindi tagapagtanggol ng sinumang nasa kapangyarihan,” dagdag niya.

Ayon sa senador ang mga alegasyon ay tungkol sa bilyun-bilyong pisong pera ng taumbayan. Kaya nararapat lamang na ito’y imbestigahan para lumabas ang buong katotohanan.