Advertisers
NASAWI ang apat katao, kabilang ang isang buntis, at isa ang sugatan nang sumiklab ang sunog sa isang residential-commercial area sa Barangay Real, Calamba City, Laguna nitong Huwebes, Hunyo 11.
Ayon kay Calamba City Police Chief, Colonel Dennis De Guzman, kabilang sa mga nasawi ang mga residenteng nakatira sa ikalawang palapag ng Redlocks Bakery na pinagmulan ng insidente.
Na-trap ang mga biktima sa loob ng gusali sa mabilis na paglaki ng apoy.
Sa ulat, 3:00 ng madaling-araw nang makatanggap ng ulat ang mga awtoridad hinggil sa sunog na agad nirespondehan ng Bureau of Fire Protection (BFP) Calamba.
Bukod sa bakery, nadamay ang ilang katabing establisimyento.
Naapula ang apoy sa pagtugon ng BFP, Calamba PNP, Public Order and Safety Office, at mga Barangay Quick Response Team.
Mayroon ding naitalang sugatan sa insidente na agad nabigyan ng paunang lunas ng mga medical responder ng City Disaster Risk Reduction and Management Division.
Inaalam pa ng BFP ang kabuuang halaga ng pinsalang idinulot ng insidente.