Advertisers
ANG impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte ay hindi simpleng usaping pulitikal. Isa itong seryosong proseso sa ilalim ng Konstitusyon na nangangailangan ng patas na pagtingin, tamang paghusga, at mahigpit na pagsunod sa batas. Dahil tiyak na mababantayan ng buong bansa ang paglilitis, mahalagang mapili ang tamang mamumuno rito.
Sa maraming dahilan, si Senator Francis Joseph “Chiz” Escudero ang pinakamainam na mag-preside sa impeachment trial.
Una, usapin ito ng kakayahan. Sa kasalukuyang Senado, lima lamang ang abogado. Ang impeachment trial ay hindi ordinaryong pagdinig. Maraming legal at konstitusyonal na usapin ang maaaring lumitaw, kaya importanteng ang namumuno ay may sapat na kaalaman sa batas at kayang timbangin ng maayos ang bawat desisyon. Importante rin na kaya niyang ipaliwanag sa publiko ang mga kumplikadong usaping legal na maaaring lumabas sa paglilitis.
Ikalawa, si Escudero ang isa sa mga senador na maituturing na pinakahiwalay sa magkabilang kampo.
May mga tagasuporta ni Vice President Sara na bumatikos sa kanya dahil sumama siya sa bagong mayorya sa Senado. Pero mayroon ding mga sumusuporta sa impeachment na hindi natuwa sa ilan niyang naging desisyon, lalo na sa usapin ng pag-usad ng impeachment case.
Sa madaling salita, pareho siyang kinukuwestiyon ng magkabilang panig. At kung parehong hindi siya itinuturing na kakampi ng dalawang kampo, maaaring dahil hindi naman talaga siya kumikilos para sa alinman sa kanila. Mas nakikita niya ang kanyang papel bilang tagapangalaga ng Senado bilang isang institusyon.
Ikatlo, nasubok narin ang kanyang pag-unawa sa batas.
Nang magkaroon ng debate tungkol sa kahulugan ng salitang “forthwith” sa proseso ng impeachment, marami ang kumontra sa kanyang interpretasyon. Gayunman, nanindigan siya sa kanyang posisyon kahit malakas ang batikos. Kalaunan, kinatigan ng Korte Suprema ang naging hakbang ng Senado.
Ipinakita nito na kaya niyang manindigan sa kanyang legal na paniniwala kahit may pressure mula sa pulitika at opinyon ng publiko. Mahalaga ang katangiang ito sa isang impeachment trial kungsaan tiyak na magiging mainit ang mga argumento at emosyon.
Panghuli. May dala siyang karanasan.
Nakalahok na siya sa mga impeachment proceedings noon at alam niya kung paano balansehin ang mga hinihingi ng batas, due process, at inaasahan ng publiko. Ang ganitong karanasan ay kailangan upang manatiling nakatuon ang paglilitis sa ebidensya at batas, hindi sa ingay ng pulitika.
Sa huli, hindi dapat ang tanong ay kung sino ang maghahatid ng gustong resulta ng isang kampo. Ang mas dapat na tanong ay kung sino ang makatitiyak na magiging patas, legal, at kapani-paniwala ang buong proseso.
Batay sa kanyang kaalaman sa batas, pagiging independiyente, napatunayang legal na paghusga, at mahabang karanasan sa Senado, si Senator Francis Joseph “Chiz” Escudero ang pinakamakatuwirang dapat piliin upang mag-preside sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Mismo!