Advertisers
By Mercy Lejarde
Ibinahagi ng singer-actress na si Toni Gonzaga sa kanyang YouTube channel ang isa sa mga pinakaespesyal na yugto sa buhay ng kanyang nakababatang kapatid na si Alex Gonzaga.
Sa kanyang vlog na may pamagat na “The Baby Shower I’ve Always Prayed For My Sister,” ipinakita ni Toni ang masayang pagdiriwang ng baby shower nina Alex Gonzaga at ng kanyang asawang si Mikee Morada.
Habang ipinapakita sa video ang mag-asawa, sinabi ni Toni sa voice-over, “Nangyari na ang baby shower na matagal ko nang ipinagdarasal para sa kapatid ko.”
Nakadagdag-saya sa bonggang event ang paghu-host nina Bayani Agbayani at Wacky Kiray, kaya naman napuno ng katatawanan ang nasabing pagtitipon.
Gayunpaman, nang magbigay na ng pahayag si Alex ay naging emosyonal pa rin ito.
Saad ni Alex: “Itong baby shower na ‘to for me is not just a party pero a celebration of life.
“Kasama namin ‘yung family na alam namin genuinely sobrang saya para sa amin na finally by God’s grace, nandito na ‘yung blessing, ‘yung baby namin.”
Isang malaking congratulations, Alex! Well-deserved mo na maging isang ina dahil may mabuti kang puso.
Sa totoo lang.
***
Ibinahagi ng rising OPM band na Off To Aurora ang iba’t ibang kuwento ng pag-ibig sa kanilang self-titled debut EP.
Mas maririnig ang alternative rock sound ng banda sa limang kantang bumubuo sa EP na “Sampung Hakbang,” “Bituin,” “Papalayo,” “Paglalaban,” at “Makikita Kang Muli.” Umiikot ito sa pagsisimula ng pag-ibig, pagtatalo, hanggang sa pagkakaroon muli ng pag-asang magmahal.
Isinulat nina Jimmy at Cymbee Antiporda at iprinodyus ni Angelo Zipagan ang key track na “Makikita Kang Muli.” Tungkol ito sa pagbabalik sa taong mahal mo at sa pangakong patuloy na ipaglalaban ang pagmamahalan sa kabila ng anumang pagsubok.
Binubuo ang Off To Aurora nina Idean Rafael Arayata Pornal, Kiel Malonzo, Kyle Faustino, John Lloyd Hernandez, Benedict Borja, at CJ Gonzaga. Nabuo ang banda noong 2024 at nakilala sa paghahalo ng modern indie at alternative rock sa mga kantang may makabuluhan at relatable na kwento. Kamakailan ay ipinagdiwang nila ang bagong EP sa pamamagitan ng launch party na naganap sa GigMusic Hall, Cavite noong Biyernes (Hunyo 12).
Noong nakaraang taon, inilabas nila ang kanilang debut single na “Sampung Hakbang” sa ilalim ng DNA Music, na sinundan ng “Bituin,” na mas nagpakilala sa kanilang tunog at paraan ng pagkukuwento sa musika.
Napapakinggan ang “Off To Aurora” sa iba’t ibang digital streaming platforms.