Advertisers

Advertisers

PBBM NAKIKIDALAMHATI SA PAMILYA NG MGA BIKTIMA NG PAMAMARIL SA TACLOBAN

0 7

Advertisers

Nagpahayag ng matinding pagdadalamhati ang Malacañang kaugnay ng pamamaril sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong katao at ikinasugat ng lima pa nitong Lunes ng umaga.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, labis na ikinalulungkot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang insidente, lalo na para sa mga magulang at pamilya ng mga biktima na nakararanas ngayon ng matinding lungkot at pangamba.

Sinabi ni Castro na inatasan ng Pangulo ang mga awtoridad na magsagawa ng malalimang imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari at mapanagot ang mga sangkot sa krimen.

Binigyang-diin naman ng Malacañang official ang kahalagahan ng pagpapaigting ng seguridad sa lahat ng lugar, opisina, establisimyento, at lalo na sa mga paaralan upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.

Batay sa ulat ng pulisya, naganap ang pamamaril bandang alas-9 ng umaga sa loob ng paaralan sa Barangay San Jose. Isang menor de edad na suspek ang naaresto habang nagpapatuloy ang manhunt operation laban sa isa pang umano’y salarin.

Samantala, patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo ng pamamaril at ang kaugnayan ng mga suspek sa mga biktima. (Gilbert Perdez)