Advertisers
Estratehikong nagtalaga ng dagdag na tauhan ang Eastern Police District (EPD) sa loob at paligid ng mga paaralan — lalo na sa oras ng pagpasok at pag-uwi — upang panatilihin umano ang kaayusan at pigilan ang anumang banta.
Ayon kay P/BGen. Melecio M. Buslig Jr., Eastern Police District director, pinatibay ang ugnayan sa mga pamunuan ng paaralan at inilagay din ang Tactical Motorcycle Riding Unit para sa dagdag na proteksyon. Mas pinalakas din umano ang pagbabantay sa malalaking paaralan.
Bahagi ito ng maagap na hakbang upang magkaroon ng kapanatagan ang mga mag-aaral, guro, at magulang. Sa pamamagitan ng pagpapatrolya at pakikipagtulungan, sinisiguro ng EPD na ligtas ang kapaligiran at walang sagabal ang pag-aaral.
“Ang kaligtasan ng lahat sa loob ng paaralan ang aming pangunahing prayoridad,” mariing pahayag ni Buslig ng makipagtalakayan sa media nitong nakaraang Lunes, Hunyo 22.
Dagdag pa nito, sa pamamagitan ng mas matibay na samahan ng pulis at media inaasahang titibay ang tiwala ng publiko, lalahok ang komunidad, at magiging mas ligtas at may sapat na kaalaman ang sambayanang Pilipino. (Edwin Moreno)