Advertisers
Nanawagan si FPJ Panday Bayanihan Party-List Rep. Brian Poe ng masusing pagsusuri sa pagpapatupad ng mga umiiral na batas para sa kaligtasan ng mga mag-aaral matapos ang madugong insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng ilan pa.
Kasunod ng insidente, inihain ni Poe ang House Resolution No. 1147 na naglalayong magsagawa ng imbestigasyon, in aid of legislation, upang alamin kung epektibong naipatutupad sa mga paaralan ang mga batas at programang nakatuon sa kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral.
Saklaw ng panukalang imbestigasyon ang implementasyon ng Anti-Bullying Act, mga emergency response protocol sa mga paaralan, mga programa para sa mental health at kapakanan ng mga mag-aaral, gayundin ang umiiral na juvenile justice system.
Ayon kay Poe, hindi kakulangan sa batas ang pangunahing suliranin kundi ang aktuwal na pagpapatupad ng mga ito.
“Mayroon tayong mga batas na idinisenyo upang protektahan ang ating mga anak. Ang tanong ngayon ay kung tunay bang naipadama at naipatupad ang mga proteksiyong ito sa mga paaralan kung kailan sila higit na kinakailangan,” ani Poe.
Binigyang-diin din ng mambabatas na dapat siyasatin kung paano nakarating ang mga baril sa mga menor de edad at kung may pananagutan ang mga taong dapat nag-ingat at nagbantay sa mga ito.
Kasabay nito, muling iginiit ni Poe na dapat manaig ang hustisya para sa mga biktima at kanilang mga pamilya, ngunit aniya, hindi sapat ang pagpapataw ng parusa matapos ang isang trahedya.
“Ang mas mahalagang tungkulin natin ay tiyaking hindi na ito maulit,” aniya.
Sa kanyang pahayag, nagbigay rin ng espesyal na pagkilala si Poe kay 15-anyos na si Chris Lorenz Fabian, na umano’y nagtangkang protektahan ang kanyang mga kaklase sa gitna ng pag-atake. Ayon sa mambabatas, ang ipinakitang katapangan ng binatilyo ay nararapat alalahanin at magsilbing paalala sa pangangailangang gawing mas ligtas ang bawat paaralan sa bansa.
Nanawagan si Poe sa mga kinauukulang ahensya at sektor ng edukasyon na gamitin ang trahedya bilang pagkakataon upang repasuhin at palakasin ang mga mekanismong nagtitiyak sa kaligtasan ng mga mag-aaral sa loob ng mga silid-aralan. (Cesar Barquilla)