KINIKILALA ng mga ahensya ng pamahalaan kabilang ang militar ang aktibong partisipasyon ng pamahalaang lalawigan sa tagumpay ng National Amnesty Program at mga inisiyatibong inilulunsad ng gobyerno upang maiangat ang kabuhayan at kalagayan ng mga dating New People’s Army Rebel (NPA).
Hindi simpleng bagay ang nagawa ni Gob. Helen Tan, na balansehin ang mga gawain pabor sa pamahalaan at baguhin ang buhay ng mga dating rebelde. Ika nga ay sala sa init, sala sa lamig ang anumang patakaran nito pagdating sa peace effort.
Gov. Angelina Tan at PNP Acting Region 4A Dir. BGen. Hansel Marantan
Ngunit nagawa ng gobernador ang tila imposible at di mapapantayang mga achievement ng Regional Peace and Order Council (RPOC) na kanyang pinamumunuan.
Sa pagdiriwang ng ika-125 Philippine Independence Day noong June 12, 2026, na ginanap sa Quezon Convention Center, ay nagkakaisang pormal na idineklara ng RPOC at ng iba pang mga opisyales ng pamahalaan na matatag at matibay ang kalagayang pangkapayapaan at kaayusan sa CALABARZON.
Kabilang sa dumalo sa naturang okasyon ay sina Interior and Local Government Secretary Jonvic C. Remulla, AFP Southern Luzon Command Commander Lt. Gen. Cerilo Balaoro Jr., AFP IV-A/B Commander Maj. Gen. Ramon Zagala at Police Regional Office 4A Regional Director Brig. Gen. Hansel Marantan.
Sa kabila ng tagumpay ng Peace and Order Effort upang magbalik loob ang mga rebelde ay malaking kabiguan naman ang anti-criminality status ng lalawigan ng gobernadora dahil sa patuloy na paniningkalag ng mga masasamang elemento dito.
Nasa estado pa nga ng kategoryang “untouchable” ang mga operator ng Small Town Lottery bookies, jueteng maintainers, pergalan (peryahan na pulos sugalan), illegal logging, quarry at illegal terminal at colorum van sa iba’t ibang siyudad at bayan sa hurisdiksyon ni Quezon PNP Provincial Director Col. Romulo Albacea.
Nakakasira at batik sa imahe nina Gov. Tan, Gen. Marantan at Col. Albacea ang di masugpo-sugpong operasyon nina alyas Amigo at Troy na kilalang lider ng mga magnanakaw ng petrolyo, Liquified Petroleum Gas (LPG) at CME oil sa bayan ni Pagbilao Mayor Gigi Portes at Lucena Mayor Mark Alcala.
Ayon sa ating mga police insider ay regular na umiikot sa mga kuta nina alyas Amigo sa Brgy. Ikirin, Pagbilao at Troy sa Eco-Tourism Road, Lucena City, ang mga mobile patrol car, mga unipormado at naka-sibilyang pulis. Aksyunan din sana ito ni Gob. Tan Gen. Marantan at Col. Albacea. May karugtong…