Advertisers
PATAY ang isang pulis na miyembro ng 2nd Zamboanga del Sur Provincial Mobile Force Company nang pagbabarilin ng riding in tandem sa Barangay Tikwas, Dumalinao, Zamboanga del Sur, Miyerkules ng hapon.
Kinilala ni Lt. Phillip Basaya Jr., hepe ng Dumalinao Municipal Police Station, ang biktima na si Police Corporal Armaejo Unab Jorna-dal, 36 anyos, ng Barangay Kalubi, San Miguel.
Natagpuan ng mga rumespondeng pulis si Jornadal na duguang nakahandusay sa kalsada 5:16 ng hapon. Idineklara siyang dead on arrival sa Margosatubig Regional Hospital.
Ayon sa imbestigasyon, pauwi na ang biktima mula sa Pagadian City sakay ng kanyang motorsiklo nang buntu-tan siya ng dalawang suspek na sakay ng itim na Honda XRM 125. Pagsapit sa Purok Lapu-lapu, inunahan siya ng riding in tandem at paulit-ulit na pinaputukan ng back-rider.
Matapos ang pamamaril, tinangay ng gunman ang sling bag ng biktima bago tumakas patungong Guipos.
Sa inspeksyon ng mga awtoridad, nakita sa compartment ng motorsiklo ng biktima ang resibo ng Armed Forces and Police Savings and Loans Association, Inc. (AFPSLAI) na may petsang Hulyo 1, nagpapakitang kakakuha lamang nito ng cash loan bago ang insidente. Nawawala rin ang kanyang government-issued firearm na pinaniniwalaang tinangay ng mga salarin.
Narekober ng Scene of the Crime Operatives ang apat na basyo ng bala ng 9mm pistol.
Nagpapatuloy ang pagsusuri ng mga imbestigador sa CCTV footage sa dinaanan ng riding in tandem.