Advertisers

Advertisers

‘MASS FOR TRUTH’ BAGO ANG IMPEACHMENT TRIAL NI VP SARA

0 9

Advertisers

NAGDAOS ng banal na misa ang mga miyembro ng kaparian nitong Huwebes para sa House impeachment prosecution team, bilang panawagan sa mga prosecutor na iharap ang ebidensiya laban kay Vice President Sara Z. Duterte nang may tapang, malinaw na layunin, at katapatan sa katotohanan.

Ginanap ang misa 9:00 ng umaga sa Chapel of the Nativity ng Immaculate Conception Cathedral of Cubao sa Quezon City. Pinangunahan ito ng Clergy for Good Governance bilang pagpapakita ng pakikiisa sa prosecution team ilang araw bago ang itinakdang pagsisimula ng impeachment trial sa Hulyo 6.

Dumalo sa misa ang anim na public prosecutors sa pangunguna ni House Lead Prosecutor Atty. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, kasama sina House prosecutors Rep. Joel Chua, Rep. Leila de Lima, Rep. Lorenz Defensor, Rep. Arlene “Kaka” Bag-ao, at Rep. Ysabel Maria “Bel” Zamora. Nakiisa rin ang beteranong abogado at private prosecutor na si Lorna Kapunan at iba pang private prosecutors.

Nagsilbing pangunahing tagapanguna ng misa si Fr. Bong Sarabia, CM; habang si Msgr. Mel David ng Parañaque ang nagbigay ng homiliya. Dumalo rin ang priest-complainants na sina Fr. Flavie Villanueva, SVD; Fr. Bong Sarabia, CM; Fr. Robert Reyes; at Fr. Joel Saballa, kasama ang mga concelebrant na sina Fr. Niño Etulle, SCJ; Fr. Choi Gliponeo, Fr. Raul “Puti” Enriquez, at Fr. Manoling Francisco, SJ.

Sa kanyang homiliya, inilarawan ni David ang Hulyo 6 bilang isang mahalagang sandali ng pananagutan para sa bansa.

“Aabangan ng sambayanang Pilipino ang Hulyo 6 bilang pagkakataon upang bumangon at kumilos ang buong bayan,” ani David.

Sinabi rin niya sa mga public at private prosecutor na ang kanilang tungkulin ay higit pa sa simpleng paghaharap ng argumento sa hukuman.

Ayon sa kanya, pasan ng mga ito ang responsibilidad na tulungan ang bansa na harapin ang katotohanan matapos ang matagal nang pagkadismaya ng publiko kaugnay ng umano’y maling paggamit ng pondo ng bayan, kuwestiyonableng mga pagbabago sa pambansang badyet, at mga programang laban sa kahirapan na nakabatay sa patronage politics.

Binanggit din ni David ang babala ng mga obispong Katoliko hinggil sa “nakahihiyang maling paggamit ng pampublikong pondo at mga yaman ng bayan,” gayundin ang “kuwestiyonableng mga dagdag, bawas at pagbabago sa pambansang badyet,” na aniya’y malinaw na nakikita ng sambayanang Pilipino.

Inihalintulad niya ang papel ng mga prosecutor sa paghahalo ng maputik na tubig upang lumitaw ang nakatagong katotohanan.

“Hahalukayin ninyo nang sa gayon ang katotohanan ay tuluyang lumabas at makita ng sambayanang Pilipino ang katotohanan,” ani David.

Hinimok din niya ang prosecution team na humugot ng lakas hindi sa kapangyarihan, posisyon o palakpak ng publiko kundi sa pananampalataya at malinis na konsensiya.

“Kailangan ninyong kumuha ng lakas ng loob hindi mula sa tao kundi mula sa Diyos,” dagdag niya.

Aniya pa, higit sa husay sa batas ang kailangan sa kanilang misyon.

“Kailangan ninyo ng karunungang hindi lamang bunga ng inyong kaalaman kundi ng paggabay ng Espiritu Santo,” sabi ni David.

Ipinahayag din niya ang pag-asang ang malinaw at tapat na paglalahad ng ebidensiya ay makahihikayat sa mga senator-judges na magpasya batay sa katotohanan.

“Sa paglalahad ng katotohanan, naniniwala akong marami sa ating mga senator-judges ang mahihikayat at boboto ayon sa katotohanan,” wika pa ni David.