Advertisers

Advertisers

Prosekusyon handa na! IMPEACHMENT TRIAL SIMULA NGAYON!

0 7

Advertisers

HANDANG handa na ang House prosecution panel sa pagbubukas ng impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte ngayon Lunes, Hulyo 6, ayon kay House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong.

Sinabi ni Alonto Adiong nitong Linggo na 100 porsiyento nang handa ang prosecution team matapos ang ilang buwan paghahanda para sa makasaysayang paglilitis.

“100 porsiyento kaming handa. Ang aming mga prosecutor, legal team, at lahat ng sumusuporta sa prosekusyon ay walang sawang naghanda para sa mahalagang tungkuling ito sa ilalim ng Konstitusyon. Handa na kaming iharap ang aming kaso sa Senate Impeachment Court,” ani Alonto Adiong.

Nilinaw ni Adiong na bagama’t handa na ang prosekusyon, hindi pa agad magsisimula ang presentasyon ng mga testigo at ebidensya sa unang araw ng paglilitis.

“Marami ang umaasang may mga testigo agad nitong Lunes. Pero ang unang araw ay nakalaan para sa pagbubukas ng paglilitis, opening statements, at pagtalakay sa mga legal at procedural na usapin. Normal ito sa anumang seryosong paglilitis,” paliwanag ni Adiong.

Ayon pa kay Adiong, matagal nang hinihintay ng prosecution panel ang pagsisimula ng paglilitis dahil ito ang tamang konstitusyunal na proseso kungsaan maihaharap ng magkabilang panig ang kani-kanilang argumento.

“Matagal na naming hinihintay ang araw na ito. Sa wakas, magsisimula na ang proseso kungsaan ang mga argumento ay ihaharap sa hukuman at, sa tamang panahon, ang mga ebidensya ay ilalatag sa Impeachment Court,” aniya.

Binigyang-diin din niya na ang pangunahing layunin ng prosekusyon ay patunayan ang Articles of Impeachment sa pamamagitan ng ebidensya at hindi makipagbangayan sa usaping pulitikal.

“Hindi namin layunin ang makipagpalitan ng soundbite o makipagtagisan ng pulitika. Ang layunin namin ay simple lang, ilatag ang ebidensya, sundin ang proseso, at hayaan ang Impeachment Court na magpasya batay sa batas at sa mga katotohanan,” dagdag ni Adiong.

Tiniyak din ni Adiong na igagalang ng prosekusyon ang lahat ng magiging pasya at kautusan ng Senado na uupo bilang Impeachment Court.

“Nirerespeto namin ang Impeachment Court at ang proseso nito. Anuman ang maging mga procedural ruling, susundin namin ang mga ito at ipagpapatuloy namin ang aming tungkulin bilang mga kinatawan ng House of Representatives,” aniya.

Para kay Alonto Adiong, mahalagang yugto ang pagbubukas ng impeachment trial hindi lamang para sa prosekusyon kundi para rin sa mga institusyong konstitusyunal ng bansa.

“Ang pinakamahalagang mangyayari bukas ay hindi kung sino ang mas mahusay magsalita. Ang pinakamahalaga ay nagsisimula na ang impeachment trial. Gumagana ang ating Konstitusyon at kumikilos ang ating mga institusyon ayon sa itinakdang proseso,” pagtatapos ni Adiong.