Advertisers
By ARCHIE LIAO
Naging usap-usapan noon ang pagbanggit ni Kim Chiu kay Ryzza Mae Dizon sa reference ng joke nito tungkol kay Lotus Feet.
Dahil dito, na-bash nang husto ng netizens ang chinita actress dahil sa diumano’y komento nito sa host ng kalabang noontime show.
Sa show nina Bossing Vic Sotto, naurot naman ng komedyante si Ryzza Mae tungkol kay Kim pagkatapos nitong batiin sa ere si Vice Ganda.
Naging usap-usapan din ang pag-hello sa show ni Ryzza Mae kay Kim na nagpapatunay na walang isyu sa kanila ng chinita actress.
Sa kaso naman ni Kim, walang ganoong pagbati na ibinalik ang TV host-actress kay Ryzza Mae.
Umani naman ito ng samu’t-saring reaksyon sa kibitzers lalo pa’t tila nakumpirma nang may pagsasamahang MMFF movie sina Vic at Meme.
Ito ang ilan sa kanilang hirit nang mapag-usapan sa umpukan ng mga tsismosang kapitbahay.
“Ang mga kafaneyan lang naman ang nagsasabong kina Kim at Ryzza.”
“Knowing Kim and Ryzza, wala namang isyu sa dalawa.”
“For all we know, part na ito ng promo ng MMFF movie nina Bossing at Meme.”
“In fairness , napag-uusapan siya dahil kina Kim at Ryzza.”
“Ang siste, baka may pa-surprise pa na kasama si Kim sa movie.”
“Malay mo, may guest appearance siya as Madam Lotus.Hahaha!”
“Bagay sina Kim at Ryzza sa comedy version ng Fengshui.”
“Eme eme away tapos bati.”
“Bossing or Vice could be a bridge para magkabati sila.”
“Bet ko ang pagiging grounded ni Ryzza Mae. Game lang siya at hindi pikon.”
***
‘Minions and Monsters,’ mga sineng thriller, horror, atbp, mapapanood na pagkatapos mabigyan ng MTRCB rating
Ikinagagalak ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na anyayahan ang publiko na dumalaw sa mga sinehan ngayong linggo upang panoorin ang mga bagong pelikula na sinuri at binigyan ng klasikipikasyon.
Para sa mga batang manonood, nariyan ang Minions and Monsters – isang animated comedy film na binigyan ng PG (Parental Guidance) rating. Ito ang pinakabagong pelikula sa Despicable Me franchise at kinabibidahan ng mga boses nina Steve Carrell at Pierre Coffin.
Kung thriller naman ang inyong hanap, ang The Black Box – tampok si Fabian Arnold – ay ginawaran ng R-13 rating ng MTRCB.
Para sa mga mahilig sa mga maaksyong eksena, maari niyong panoorin ang The Furious – isang martial arts film na tampok si Sahajak Boonthanakit. Binigyan ito ng R-16 rating ng MTRCB.
Kung mga nakakatakot na pelikula ang hilig, nariyan ang Leviticus na kinabibidahan nina Joe Bird and Stacey Clausen. Ang Leviticus ay ekslusibong ipapalabas sa SM Cinemas at binigyan rin ng R-16 rating.
Sa isang pahayag, hinikayat ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto ang publiko na gamiting gabay ang classification ratings ng board kapag sila ay pumunta sa mga sinehan ngayong linggo.
“Nais naming ipaalaala sa mga magulang na pumili ng pelikulang angkop para sa kanilang pamilya sa pamamagitan ng pagtingin sa ratings na iginagawad ng MTRCB,” sabi ni Sotto.
“Ito ay para matiyak na ang content na panonoorin ng mga miyembro ng ating pamilya ay akma para sa kanilang edad at antas ng pang-unawa,” dagdag niya.
Ang G o General Audience rating ay nangangahulugan na ang isang pelikula ay angkop na ipalabas para sa lahat ng edad, habang ang PG rating o Parental Guidance ay nangangailangan ng patnubay ng isang magulang o guardian para sa mga nakababatang manonood.
Ang R-13 rating naman ay nangangahulugan na ang ang pelikula ay para lamang sa mga manonood edad 13 at pataas, samantalang ang R-16 movies ay para sa mga manonood edad 16 at pataas.
Samantala, ang pelikulang may R-18 rating ay dapat lamang ipalabas sa mga manonood na nasa wastong edad.
Dagdag ng MTRCB Chair, dapat tingnan muna ng publiko ang ratings ng MTRCB para sa mga pelikula bago sila bumili ng mga tiket.
Hinikayat din ni Sotto ang mga manonood na suportahan ang mga sineng pinapalabas ngayong linggo, na naglalahad ng mga kuwento na kagigiliwan ng mga manonood, ano man ang edad.
“Ang mga pelikulang ito ay hindi lamang naglalahad ng iba’t ibang kwento, kung di maaari ding kapulutan ng aral basta’t may tama at akmang pag-gabay ng ating mga magulang,” dagdag ni Sotto.