Advertisers
PALABAN ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng ginagawang paglilitis sa kaniya ng Senate Impeachment Court.
Nagtungo nitong Martes, Hulyo 7 si Duterte sa Senado upang makipagpulong sa kaniyang mga abogado pero hindi pa niya sinaksihan ang mismong paglilitis na nagsimula nitong Lunes.
Sa kaniyang sandaling pagharap sa mga mamamahayag, sinabi niya, “in this bloodbath and bludgeoning, I will be bloodied but unbowed.”
Hindi na nagbigay ng karagdagang pahayag ang Bise Presidente at hindi rin siya sumagot sa mga tanong ng media.
Sa isang press conference bago dumating si Duterte, sinabi ni Atty. Michael Poa na hindi dadalo ang Bise Presidente sa pagdinig ng impeachment ngayong Martes dahil mayroon siyang iba pang nakatakdang gagawin.
Inihayag din ni Poa na naghahanda ang Office of the Vice President (OVP) sa pagtugon kaugnay ng paparating na bagyo.
Paglilinaw ni Poa, hindi iniiwasan ni Duterte ang impeachment trial pero nandoon naman ang kaniyang mga abogado sa Senado.
Idinagdag pa niya na dadalo ang Bise Presidente sa paglilitis kung kinakailangan at kung ipapayo ng kaniyang mga abogado.
Pormal na nagsimula ang impeachment trial kay Duterte nitong Lunes, Hulyo 6, kung saan nahalal si Senador Francis Escudero bilang presiding officer ng impeachment court.
Noong Mayo, in-impeach ng Kamara de Representantes si Duterte dahil sa mga paratang ng paglabag sa Konstitusyon, katiwalian, panunuhol, pagtataksil sa tiwala ng publiko, at iba pang mabibigat na krimen.