Advertisers
SA PAGTATAPOS ng ikalawang araw, luminaw ang dalot at kabuuan ng paglilitis ni Misfit Sara. Labanan ito ng ebidensya. Ilalabas ng mga taga-usig ang kanilang mga hawak na katibayan na nagpapatunay sa kanilang paratang na nilabag ni Misfit Sara ang sagradong mandando ng sambayanan na nasa Saligang Batas.
Kailangan maglatag ng kampo ni Misfit ng mga sariling ebidensya na nagpapasinungaling sa mga katibayan na ihaharap sa kanila ng prosekusyon. Matinding labanan ito dahil matibay at malawak ang mga hawak na katibayan na nagpapatunay na nilabag ni Misfit ang Konstitusyon. Malaki ang tiwala ng prosekusyon na nanaig sila batay sa mga salita ng kanilang kampo.
Sinabi ni trial spokesman Kin. Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur na panalo ang prosekusyon sa ikalawang araw batay sa uri ng mga katibayan na iniharap nila sa Senate impeachment court. “It’s very clear now that we’re, sabi ko ngayon hindi pa tapos itong araw na ito, but we’re claiming victory because all the motions that were raised by the defense, most of them were overruled,” ani Adiong.
“Ultimately, nakita natin ng taumbayan ngayon na habang tumutuloy itong impeachment trial, very clear na talagang lumalabas at lumalakas ‘yung panawagan ng prosecution na ipakita sa taumbayan yung katotohanan,” aniya.
Hindi natuwa si Public Prosecutor Kin. Terry Ridon ng Bicol Saro Party List sa dami ng ipinukol na “objection” ng depensa. “Wala kaming tally sheet kung sino ‘yung na-reject yung objection, sino ‘yung na-sustain ‘yung objection, sino ‘yung na-utal,” ani Ridon.
“Kasi ang mahalaga po rito, ‘yung pagpapalabas mismo ng ebidensya either ng prosecution or nung depensa,” aniya. “Ang most important metric in litigation, yun po nga naipasok yung mga ebidensya, naisalang yung ebidensya na hindi na-objection, na hindi po natitigil,” ani Ridon. “So malaking tagumpay po ngayon,” aniya.
***
SA pagdaloy ng paglilitis, pinilit ng mga abogado ni Misfit Sara na harangin ang prosekusyon sa pagpapalabas ng mga ebidensya. Ito ang dahilan kung bakit palaging may “objection” ang isang abogado niya sa bawat tangka na ilabas sa pagdinig ang bawat katibayan.
May hinala na batay ang professional fee ng mga inupahang manananggol sa kampo ni Misfit sa dami ng objection na kanilang ilalabas sa pagdinig. Hindi sila malayo sa metro ng taksi. Habang dumadami ang kanilang objection, lumalaki ang kanilang kita.
Hindi ordinaryong angas ang mga objection na narinig sa public hearing noong Martes. Tanggapin man o hindi, may katapat na bayad iyon. Mas malaki kung tatanggapin ng presiding officer ang objection.
***
AYON kay Ridon, inasahan ng prosekusyon ang mga malayang daloy ng objection ng kabilang kampo. Ngunit ganap na naghanda ang kanilang pangkat. Pinakamabisa ang uri ng ebidensya na kanilang ilalabas sa paglilitis, aniya.
“Marami mga objections doon halos paulit-ulit. But I think that is the job of the lawyer to do,” ani Ridon kahit itinuring niya na bahagi ng kanilang estratehiya ang harangin ang mga katibayan na ihaharap sa pagdinig.
“Malaya naman sila to implement whichever trial strategy and tactics they would want to undertake. Pero siyempre they will have to contend with the reality of the court as well na objections will ultimately have to be sustained or will have to be overruled,” aniya. Dagdag niya: “There will be a series of overruled objections by the defense panel.”
Para kay Adiong, malinaw ang kanilang estratehiya. “Nakita din natin kung anong strategy ng defense is actually to mute the evidence or to do anything that they can technically not to allow the court to appreciate the evidence,” aniya.
“Pinayagan ‘yung prosecution to make that particular presentation doon sa dalawang minuto at doon sa iba pang mas maiigsing videos na presented,” ani Ridon. “Our understanding there is the Senate impeachment court does not want to intrude on ‘yung freedom of the parties to decide kung paano nila isasampa yung mga ebidensya,” aniya.
“Ipakita naman namin yung relevance, materiality ng lahat ng aspeto ng testimonyo ng witness. So malaking bagay po yan sa amin,” ani Ridon.
***
MGA PILING SALITA: “ARGENTINA did the unthinkable in the 2026 FIFA World Cup. Down two goals in the 80th minute, Lionel Messi-led Argentina clawed back to score three goals in the last 15 minutes of the game to win 3-2 against Egypt.” – PL, netizen, kritiko
“HINDI nalalayo sa metro ng taksi ang bayad sa mga defense lawyer. Pumapatak kada objection. Mas marami, mas malaki.” – PL, netizen, kritiko