Advertisers
Nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang siyam na container na naglalaman ng mahigit P130 milyong halaga ng mga smuggled na vape at iba pang vape-related products sa Manila International Container Port (MICP).
Ayon kay Commissioner Ariel Nepomuceno, nagmula sa China ang mga shipment na unang idineklara bilang sari-saring produkto, gaya ng cardboard boxes, accessories, packaging bags, kitchenware, underwear, clothes hangers, shoe boxes, at footwear.
Nguni’t sa isinagawang inspeksyon, nadiskubre ang iba’t ibang puslit na vape at iba pang vape-related products.
Tiniyak ni Nepomuceno na masisibak at mapaparusahan ang sinumang opisyal ng BOC na mapatutunayang sangkot, alinsunod sa umiiral na one-strike policy.
Aniya, lalo pa nilang pinaigting ang pagpapatupad ng mga batas upang masugpo ang smuggling, mapangalagaan ang kita ng pamahalaan, at maprotektahan ang kalusugan at kaligtasan ng publiko.
Posibleng maharap sa kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at Anti-Agricultural Economic Sabotage Act ang mga sangkot.(Jocelyn Domenden)