Advertisers
Ipinagpaliban ng Sandiganbayan Third Division ang arraignment at pretrial ng kasong plunder laban kay Senador Rodante Marcoleta at tatlo niyang kapwa akusado na nakatakda sana ng Hulyo 10 dahil sa mga nakabinbing mosyon.
Ang kaso ay kaugnay ng P75 milyong campaign donation na tinanggap ni Marcoleta noong party-list lawmaker pa siya, na ayon sa mga state prosecutor ay hindi niya idineklara sa kanyang financial at campaign disclosures.
Ayon kay Third Division Clerk of Court Atty. Dennis Pulma, naghain sina Marcoleta, dating Cong. Mike Defensor, at Joseph Espiritu ng motion to quash upang ipabasura ang kaso. Naghain naman si Aristotle Viray ng mosyon para sa piyansa.
Wala pang itinakdang bagong petsa para sa arraignment at pretrial, kungsaan pormal na sasagot ang mga akusado kung sila ay guilty o not guilty.
Inilabas ang warrant of arrest laban sa apat noong Lunes. Nakakulong na sa New Quezon City Jail sa Payatas sina Defensor, Espiritu, at Viray.
Samantala, naospital si Marcoleta dahil sa pananakit ng dibdib at mataas na blood pressure. Kapag pinayagan na ng mga doktor, dadalhin siya sa Sandiganbayan bago ilipat sa parehong kulungan ng kanyang mga kapwa akusado.