Advertisers

Advertisers

Krimen sa EPD bumaba, bunga ng SHIELD ni Gen. Buslig

0 7

Advertisers

Simula nang ipagkatiwala kay PBrig.Gen. Melecio M. Buslig, Jr. ang Eastern Police District (EPD) noong Hunyo 1, 2026, hindi lang niya sinalo ang karaniwang posisyon, sa halip ay binuhat niya ang responsibilidad sa seguridad para sa mamamayan ng Pasig, Mandaluyong, Marikina, at San Juan.

At heto nga, sa loob pa lamang ng isang buwan ay napatunayan nang matatag ang “SHIELD” o “Kalasag” ni Buslig laban sa kriminalidad—isang malawak na estratehikong pagkilos na nagtatanggol sa publiko habang sistematikong nabubuwag ang mga sindikatong nagbabanta sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mamamayan.

Patunay dito ay ang mga matagumpay na trabaho nitong Hunyo 2026 na nagpapakitang epektibo ang liderato ni Buslig. Bumaba ang krimen sa EPD – mula 95 tungo sa 90 kaso, habang ang kritikal na “Eight Focus Crimes” ay nabawasan ng 3%. Sa porsiyentong ito, ibig sabihin ay mas kakaunting biktima, mas ligtas na mga kalye, at mga maliliit na negosyong nakakahinga nang maluwag.

Sa unang buwan, pinatunayan ang bagsik ng SHIELD base sa mga matagumpay na operasyon tulad ng mga sumusunod – sa 220 drug operations, nagresulta ito sa pagkadakip ng 265 katao, pagsamsam ng 623.76 gramo ng shabu, 15.55 gramo ng marijuana, at 3.62 gramo ng kush. Ang mga droga ay umaabot sa halagang P4,251,568.00.

Sa pagtugis sa wanted persons? May 208 wanted ang nadakip, kabilang dito ang 23 top most wanted persons, 18 most wanted persons, at 167 iba pang wanted criminals.

Sa loose firearms naman, 23 indibidwal ang nadakip at nakasamsam din ang pulisya ng 24 na ilegal na baril (bukod pa sa 6 na kusang isinuko) sa loob ng 22 operasyon.

Heto ang isa sa maituturing na malaking tagumpay – katunayan ay isang linggo pa lamang yata noon si Buslig sa EPD pero, malaking sindikato ng carnap gang ang kanyang nabuwag. Pinangunahan naman ng Marikina City Police ang operasyon.

Nalansag ang kilabot na “PAPS Carnapping Group” sa Marikina – 8 suspek ang arestado kabilang ang pinuno ng grupo. Nabawi din sa operasyon ang mga tinangay na sasakyan, kotse at motorsiklo ng sindikato.

Heto lang ba? Wait, there’s more ‘ika nga. Nabuwag din ng Pasig City Police ang “commuter robbery syndicate” makaraang madakip ang 5 suspek. Ang lakad ng grupo ay nanghoholdap ng mga komyuter.

Kung suriin, sa nasabing mga accomplishment – ang SHIELD (kalasag) ay gamit sa pag-atake laban sa mga kriminal ngunit, dapat din malaman ninyo my Dear Filipino People, na ito (kalasag) ay para din sa proteksyon.

Habang pinababagsak ang mga kriminal, sinuportahan din ng EPD ang “Safer Cities Initiative” ng DILG sa pamamagitan ng pagtatala ng 34,783 paglabag sa mga lokal na ordinansa upang ibalik ang disiplina sa lansangan. Sabay din nilang pinamahalaan ang seguridad ng mga dambuhalang aktibidad—mula sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa San Juan, hanggang sa masiglang pagdiriwang ng Wattah Wattah Festival, Oplan Balik Eskwela, at mga malakihang rali sa EDSA Shrine, kung saan ipinamalas ng EPD ang pinakamataas na antas ng disiplina at maximum tolerance.

Maigsing panahon pa lamang ang isang buwan sa karera ng isang opisyal, ngunit sapat na ito upang mag-iwan ng isang mataas na pamantayan. Kaya kung gagamiting batayan ang unang yugto ng pamumuno ni Buslig sa EPD, hindi lamang basta nagpapanatili ito ng kaayusan—sila na ngayon ang huwaran para sa buong National Capital Region.