Advertisers

Advertisers

Escudero bilang Presiding Officer aprub sa mga eksperto

0 9

Advertisers

NATAPOS ang unang linggo ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte-Carpio. Isang bagay ang nabigyang-pansin ng mga tao: naging maayos ang takbo ng paglilitis kaysa inaasahan ng marami.

Ito’y dahil sa sa pagtalaga kay Senator Chiz Escudero bilang Presiding Officer. Sa kanyang pamumuno sa proceedings, naging mabilis at maayos ang proseso. Mismo!

Hindi ito nangangahulugang nagkakasundo ang magkabilang panig. Sa katunayan, halos bawat araw ay may procedural objections, legal questions, at mahahabang argumento mula sa prosecution at defense. Ngunit sa kabila nito, tuloy-tuloy ang usad ng paglilitis sa ilalim ng pamumuno ni Escudero.

Ayon kay University of the Philippines College of Law Associate Dean, Atty. Paolo Tamase, importante ang pagkakaroon ng isang abogado bilang Presiding Officer dahil ang impeachment ay hindi simpleng usaping pulitikal. Isa na itong legal na proseso kungsaan kailangang magpasya agad sa procedural objections, constitutional questions, at rules of evidence.

Sa unang araw palang, nakita na ito sa paraan ng paghawak sa mga isyu tungkol sa voting threshold at maging sa debate kung sino ang maaaring maging Presiding Officer.

Isa si constitutional law professor Tony La Viña sa mga nagduda noong una sa pagpili kay Escudero bilang Presiding Officer. Ngunit matapos niyang masubaybayan ang aktwal na proceedings, sinabi niyang nabago ang kanyang pananaw. Para sa kanya, nakatipid pa ng oras ang impeachment court dahil abogado ang namumuno, at hindi na kailangang paulit-ulit pang sumangguni sa legal staff bago maglabas ng mga ruling.

Samantala, sinabi ng writer at cultural critic na si Kristine Stuart Santiago na bukod sa kanyang legal na kaalaman, mahalaga rin ang karanasan ni Escudero sa Senado at ang kakayahan nitong pamahalaan ang matitinding palitan ng kuro sa loob ng plenaryo. Hindi sapat na alam mo ang batas. Kailangan ding kaya mong kontrolin ang takbo ng paglilitis.

Namangha rin si Lead House Prosecutor Gerville Luistro sa pamamahala ni Escudero sa impeachment. “Napakagaling…he is so diligent, so prepared…parang ‘yung nabasa niya, lampas pa sa nabasa ko,” sinabi ni Luistro sa isang interview.

Ganoon din sa panig ng defense. Ayon kay Atty. Michael Poa, spokesperson ng legal defense team ni VP Sara, naging “smooth” ang takbo ng impeachment trial sa pamumuno ni Escudero at wala silang reklamo.

“High grades” naman ang binigay ni Jurist at former Supreme Court Associate Justice Adolfo Azcuna, na isa rin sa framers ng 1987 Constitution. Marami aniya naging hamon sa proceedings na madaling naresolba ni Escudero bilang Presiding Officer.

Sa katunayan, sa unang linggo ng trial ay maraming rulings ang inilabas ng Presiding Officer sa gitna ng mga pagtutol ng magkabilang panig. Ang mahalaga rito ay hindi kung sino ang napaboran sa bawat pagkakataon, kundi ang patas na pagdinig sa parehong prosecution at defense bago nagpasya ang impeachment court.

At marahil ito ang tunay na sukatan kay Escudero bilang isang presiding officer.

Noong una pa lang, nilinaw ni Escudero na wala siyang kinikilingang panig. Ngayon ay nakita natin na pareho niyang napakikinggan ang magkabilang kampo at napapanatili niya ang kaayusan ng proseso.

Sa huli, ang kredibilidad ng impeachment trial ay hindi nakasalalay lang sa magiging hatol. Nakasalalay rin ito sa paniniwala ng publiko na ang paglilitis ay isinagawa nang patas, maayos, at naaayon sa batas.

Kapag napanatili ang tiwalang iyon, anuman ang maging desisyon ng impeachment court, mas magiging madali para sa bansa na tanggapin ang resulta.