Advertisers

Advertisers

Cayetano, iginiit na dapat mapanatili ang integridad ng impeachment court sa gitna ng imbestigasyon ng NBI sa 2019 SEA Games

0 5

Advertisers

Iginiit ni Senator-judge Alan Peter Cayetano nitong Miyerkules na kailangang mapanatili ang integridad ng impeachment court kasabay ng kanyang pagkuwestiyon sa timing ng pag-anunsyo ng National Bureau of Investigation o NBI ng imbestigasyon kaugnay ng 2019 Southeast Asian (SEA) Games.
Ang pahayag ni Cayetano ay kasunod ng sinabi ni senator-judge Robinhood Padilla na nakapagdududa ang timing ng anunsyo ng NBI. Nangyari ito ilang araw matapos kuwestiyunin ni Cayetano ang hiling ni NBI Director Melvin Matibag na ilipat sa mas maagang petsa ang kanyang pagtestigo sa impeachment trial dahil sa isang seminar sa ibang bansa.
Sinabi ni Cayetano na malaya naman ang NBI na magsagawa ng anumang imbestigasyon. Gayunman, iginiit niyang dapat tiyakin ng mga opisyal ng gobyerno na hindi makaaapekto ang kanilang mga kilos sa kredibilidad ng impeachment proceedings.
“Go ahead and investigate [but] we have to make sure that the integrity of the court is intact,” sabi ni Cayetano nitong July 15, 2026.
“I hope this issue of the integrity of the court becomes an issue to all of us,” dagdag niya.
Ayon kay Cayetano, wala siyang tutol sa anumang imbestigasyon at ilang beses na rin namang naimbestigahan ang SEA Games, kabilang ang isinagawa ng Office of the Ombudsman kung saan personal siyang humarap upang sagutin ang mga tanong.
Sinabi niya na isang “misfire” ang anunsyo ng NBI dahil iniuugnay siya nito sa mga infrastructure project na hindi naman sakop ng kanyang tungkulin bilang chairman ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC).
Ipinaliwanag niyang ang mga proyektong binanggit ng NBI ay pinangasiwaan ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at hindi ng PHISGOC.
Nilinaw niya na ang kawalan ng public bidding ay hindi awtomatikong nangangahulugan na may iregularidad dahil pinapayagan ng batas ang iba pang paraan ng procurement.
Ipinagtanggol din ni Cayetano ang pagho-host ng Pilipinas sa 2019 SEA Games na aniya’y nagbigay ng karangalan sa bansa at naging mahalagang yugto sa tagumpay ng maraming atletang Pilipino.
“Paninindigan ko po na napakaganda nung nangyari roon. At kung may anomalya, ako [ang] unang magagalit,” sabi niya.
Binigyang diin din ni Cayetano na hindi personal ang nauna niyang mga pahayag laban kay Matibag.
Ayon kay Cayetano, ang kanyang naging reaksyon ay dahil sa kahilingan ng NBI director na ilipat sa mas maagang araw ang kanyang pagtestigo sa impeachment court sa kabila ng bigat ng pagdinig.
“But isn’t it unfair to me and unfair to the court that kung kailan siya patatawag sa Monday, i-intimidate mo ako? [Para ba] hindi kita tatanungin sa Monday dahil mag-a-announce ka na iimbestigahan mo [ang SEA Games]?,” wika niya.
Sinabi ni Cayetano na ipagpapatuloy niya ang pagtupad sa kanyang tungkulin bilang senator-judge anuman ang sitwasyon.
Muli rin niyang iginiit na bagama’t malaya ang NBI na magsagawa ng imbestigasyon, dapat nitong iwasan ang anumang hakbang na maaaring makasira sa kredibilidad ng impeachment court.
“Ilalaban ko ito, gagawin ko ang dapat kong gawin, bumaliktad man y’ung sitwasyon,” sabi ni Cayetano.
“I’ll repeat what I said when I was Senate President. Director [Matibag,] hindi mo kami natibag so ‘wag mo i-try tibagin ‘tong representation na ‘to o itong impeachment court, because what you’re doing is not helping,” dagdag niya.