Advertisers
INARESTO ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang bagong abogado at dalawa niyang kasamahan sa isang law office sa Taguig City nang ireklamo ng sarili nilang mga kliyente ng ‘robbery-extortion’ na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act.
Ayon sa imbestigasyon ng NBI, lumapit noong Mayo ang magkapatid na biktima sa law office upang humingi ng tulong sa isang immigration case laban sa dating Chinese business partner.
Matapos maibasura ang kaso, sinabi umano ng law office na may nagbayad ng hitman upang ipapatay sila at ang kanilang pamilya.
Sinabihan umano ang mga biktima na magbayad ng P400,000 kapalit ng pagpati-gil sa banta dahil may “koneksyon” umano ang mga suspek sa sindikato.
“Bagong pasa siya na abogado. May kliyente siya na humingi ng tulong para sa kaso. Pero imbes na tulungan, binaligtad pa niya at nag-extort pa siya ng pera sa kanyang kliyente. Nagpatulong sila sa NBI kaya nagkaroon tayo ng entrapment,” ani NBI Director Melvin Matibag.
Dahil sa matinding takot, nakapagbigay ang magkapatid ng P100,000 sa dalawang magkahiwalay na transaksyon.
Nang hingan pa sila ng natitirang P300,000, humingi na sila ng tulong sa NBI na agad nagkasa ng entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng abogado at mga kasamahan nito.
Sinabi ng mga biktima na naniwala sila sa kanilang abogado dahil ito ang kanilang legal counsel.
Bukod sa umano’y pagbabanta sa kanilang buhay, si-nabi rin sa kanila na huwag lumapit sa pulis o NBI dahil “bayad” ang mga ito.
Ayon pa sa NBI, matibay ang kasong isinampa dahil suportado ito ng mga ebidensyang nakalap sa operasyon.
“Yung entrapment mismo, yung pagtanggap, yung testimony ng kliyente, lahat ’yan ay magiging parte ng mga ebidensya,” dagdag ni Matibag.
Binigyang-diin din ng NBI director na nakabatay sa tiwala ang relasyon ng abogado at kliyente kaya mas mataas ang inaasahang pamantayan sa mga miyembro ng legal profession.