Advertisers
KINUWESTIYON ni Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union nitong Miyerkules, July 15, ang matinding pagtutol ng kampo ni Vice President Sara Z. Duterte sa kahilingan ng prosekusyon na makuha ang bank records, ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), at mga rekord mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR), na aniya’y nagbubukas ng isang simple ngunit mahalagang tanong.
“Simple lang ang tanong ng ordinaryong Pilipino: Kung walang itinatago, bakit takot sa bank records?” ani Ortega.
Nilinaw ni Ortega na hindi hinihiling ng prosekusyon sa Impeachment Court na hatulan agad ang Bise Presidente batay lamang sa mga alegasyon.
“Ang hinihiling lamang ng prosekusyon ay pahintulutan ng Korte na ma-access ang mga ebidensyang maaaring makatulong upang mabatid ang katotohanan. Kung ang mga rekord na ito ay magpapatibay o magpapahina sa mga alegasyon ay dapat pagpasiyahan sa tamang proseso ng paglilitis, at hindi hadlangan sa umpisa pa lamang,” paliwanag niya.
Binigyang-diin din ni Ortega na hindi pa usapin sa kasalukuyan kung mapatutunayan na ang anumang pagkakasala.
“Hindi pa ito usapin ng guilt. Usapin palang ito kung dapat bang makita ng Impeachment Court ang mga dokumentong maaaring makatulong sa paghahanap ng katotohanan.”
Ayon pa sa kanya, taliwas ang posisyon ng depensa na nagsasabing walang anumang makapagpapatunay laban sa Bise Presidente ang mga hinihinging dokumento, ngunit mariin namang tinututulan ang pagpapalabas ng mga ito.
“Kung ang argumento nila ay wala namang mapapatunayan ang mga bank records, AMLC reports, at tax records, bakit kailangang pigilan ang paglabas ng mga ito? Hayaan nating ang ebidensya mismo ang magsalita,” ani Ortega.
Ipinaliwanag din ng Deputy Speaker na ang subpoena ay isang normal na legal na mekanismo na ginagamit ng mga hukuman upang makakuha ng mga ebidensyang maaaring may kaugnayan sa isang kaso.
“Ang subpoena ay hindi deklarasyon ng pagkakasala. Isa lamang itong paraan upang magamit ng Korte ang kapangyarihan nito na alamin kung dapat bang ilabas ang mga ebidensyang may kaugnayan sa kaso,” aniya.
Iginiit ni Ortega na mahalaga ang pagiging bukas at malinaw ng proseso lalo na kung ang mga alegasyon ay may kinalaman sa pampublikong tungkulin at tiwala ng taumbayan.
“Ang impeachment ay hindi para protektahan ang mga dokumento. Ang impeachment ay para protektahan ang tiwala ng taumbayan sa mga opisyal ng gobyerno.”
Hinimok din niya ang publiko na ituon ang pansin sa pangunahing isyu at huwag magpalihis sa mga usaping procedural.
“Ang tanong ngayon ay hindi kung sino ang mas mahusay gumawa ng legal na argumento. Ang tanong ay kung dapat bang makita ng Impeachment Court ang ebidensyang hinihingi ng prosekusyon. Kung naniniwala ang depensa na walang makikitang mali, wala silang dapat ikatakot sa katotohanan,” ani Ortega.
Sa huli, tiniyak ni Ortega na ipagpapatuloy ng prosekusyon ang lahat ng naaayon sa batas na hakbang upang maiharap sa Impeachment Court ang mga kaugnay na ebidensya.
“Sa impeachment, hindi dapat katakutan ang ebidensya. Ang dapat katakutan ay ang pagtatangkang pigilan ang paglabas ng katotohanan.”