Advertisers

Advertisers

Ugat sa bentahan ng agaw-cellphone, pipilayan ng QCPD

0 9

Advertisers

Kahirapan sa buhay – pangkain, pangbili ng gatas, pangbili ng gamot, bla…bla…bla…mga pangkaraniwang dahilan ng mga naarestong nang-aagaw ng cellphone. Mga katuwirang hindi katanggap-tanggap sa lipunan.

Pero ano nga ba ang ugat o nagtutulak sa mga agaw-cellphone na ito para gawin “hanapbuhay” ang pagnanakaw na kung minsa’y nakasasakit pa sila – pinapatay ang kanilang biktima lalo na kapag pumalag?

E, ano nga ba ang ugat ng nakawan ng cellphone na ito?

Kung pagbabasehan ang pinaigting kampanya ngayon ni Quezon City Police District (QCPD) Director, PBrig. Gen. Randy Glenn Silvio, hindi itong mga katuwiran (kahirapan) ng mga magnanakaw ang ugat ng nakawan o snatching ng cellphone kung hindi ang nakitang ugat ay ang kaluwagan ng pagbenta ng segunda manong telepono – gayundin ang pagbili ng mga ilang cellphone shop na tila’y “turo-turo” kung idinidisplay ang kanilang mga panindang second hand cellphone sa palengke maging sa ilang malls.

Kaya kung susuriin, tila’y isang sindikato na ito kung saan ay lumalabas magkasabwat ang mga agaw-cellphone at ilang negosyante na bumibili ng mga second hand.

Kaya anang Heneral, upang tuluyan masugpo o makontrol ang talamak na bentahan ng second hand (daw) pero nakaw naman pala, kinakailangang “mapiliyan” ang operasyon ng mga nagbebenta at bumibili nito o ang ugat.

Ang polisyang ito ni Silvio, sa pakikipagtulungan kay Mayor Joy Belmonte —ay isang matagal nang hinihintay na reseta laban sa talamak at tila naging normal nang bentahan ng mga nakaw na cellphone.

Ayon kay Silvio, sa ilalim ng polisiyang ito, bago mailako o maibenta ang isang gamit nang telepono sa mga shop o establisyimento, ang sinumang magbebenta ng segunda manong telepono ay obligado nang dumaan sa isang police record verification at kinakailangan magpakita ito ng residence certificate.

Sa punto ito, ang teleponong ibinebenta ng isang nagpapakilalang may-ari sa isang shop ay malalaman kung ito ay nakaw o hindi. Kung salaki man makaluso, at sa huli ay malalamang nakaw, makikilala at madaling matunton rin ang nagbenta dahil sa residence certificate nito.

Kaya sa estratehiyang ito ng QCPD, simple lang ang lohika rito – kung walang bentahan (iyong mga bumibili na shop), walang kita ang mga magnanakaw. At kung walang kita na, malamang na guguho ang buong operasyon ng mga “agaw-cellphone gang” sa mga lansangan.

Batid naman natin na sa napakahabang panahon, naging mabilis na gatasan ng mga kriminal ang mga stalls at establisyimento ng second-hand phones. Doon, mabilis nilang nailalako ang mga yunit na galing sa pandurukot, pang-aagaw, o marahas na panghoholdap. Kapag naisara na ang pintuan ng mga pamilihang ito para sa mga nakaw na gamit dahil sa mahigpit na paghahanap ng dokumento, tiyak na mapipilayan ang negosyo ng mga sindikato.

Naniniwala si Silvio na sa oras na mawalan ng merkado ang mga nakaw na telepono, boluntaryo nang titigil ang mga suspek sa kanilang iligal na gawain.

Dahil dito, direktang mapoprotektahan ang buhay ng mga cellphone owners. Malaking porsyento kasi ng mga krimen sa kalye ay nauuwi sa trahedya dahil sa marahas na pag-agaw, o kaya naman ay kapag nagtangkang manlaban at ipagtanggol ng biktima ang kanyang pinaghirapang ari-arian.

Sa polisyang ito ni Silvio o ng QCPD – ang magiging resulta ay….wala nang agaw-cellphone gang na mag-aabang sa mga loading zones at madidilim na eskinita, wala nang buhay na mailalagay sa bingit ng kapahamakan.

Binalaan din ni Silvio ang mga negosyante, na huwag maging kasabwat sa krimen sa ngalan ng mabilisang kita. Ang pagbili ng yunit na walang malinaw na dokumento para lang makamura ay tahasang paglabag sa anti-fencing law.

Pinaalalahanan din ni Silvio ang mga mamimili – totoong praktikal ang pagbili ng second hand lalo na sa hirap ng buhay ngayon, pero kung ang presyo ng isang mamahaling iPhone o Android phone ay masyadong mababa para maging totoo, mag-isip ka na. Malamang ay galing ito sa nakaw kung saan ay maaaring naging mitsa ng buhay o kaligtasan ng ibang tao.

Nawa’y ikonsidera ng Metro Manila Council ang bagong polisya o programa ng QCPD. Naniniwala ang marami na kapag ito ay maimplementa sa buong National Capital Region sa suporta ng konseho, tiyak na malaki ang ibababa ng krimen o trahedya na may kinalaman sa bentahan ng nakaw na cellphone lalo na ang pagkilos ng agaw-cellphone gang.