Advertisers
GINUGUNITA ngayong buwan, ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang ikalawang anibersaryo ng isa sa pinakamahalagang tagumpay ng katarungan sa kasaysayan ng bansa—ang makasaysayang hatol ng Regional Trial Court (RTC), Branch 2, Tagum City noong Hulyo 15, 2024 sa kasong Talaingod.
Ayon sa NTF-ELCAC, ang nasabing desisyon ay nagpapatibay sa pananagutan ng Estado na pangalagaan ang mga batang Pilipino laban sa pang-aabuso, pagsasamantala at iba pang anyo ng ilegal na manipulasyon, habang pinatutunayan na ang tunay na katarungan ay naipagkakaloob sa pamamagitan ng ebidensya, due process, at tapat na pagpapatupad ng batas.
Noong Hulyo 15, 2024, hinatulan ng RTC sina dating Bayan Muna Representative Satur Ocampo, ACT Teachers Party-list Representative France Castro, at labing-isa pang akusado na guilty beyond reasonable doubt sa paglabag sa Section 10(a) ng Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Ipinataw ng hukuman ang parusang pagkakakulong na mula apat na taon, siyam na buwan at labing-isang araw bilang minimum hanggang anim na taon, walong buwan at isang araw bilang maximum, bukod pa sa pagbabayad ng civil indemnity at moral damages sa bawat menor de edad na biktima.
Bagama’t patuloy na ginagamit ng mga nahatulan ang mga legal na remedyo na ipinagkakaloob ng batas, nananatiling mahalagang tagumpay ang desisyong ito sa pagpapatibay ng Rule of Law at pananagutan sa ilalim ng sistemang panghukuman ng bansa.
Ayon kay NTF-ELCAC Executive Director Usec. Ernesto C. Torres Jr., higit pa sa isang hatol ang kahalagahan ng kasong Talaingod.
“Ang hatol sa kasong Talaingod ay nananatiling matibay na patunay na sa Pilipinas, ang Rule of Law ang pinakamabisang tagapagtanggol ng ating mga anak. Dalawang taon matapos ang makasaysayang pasyang ito, hindi natin ipinagdiriwang ang pagkakahatol ng mga personalidad kundi ang tagumpay ng katarungan, due process, at ang katapangan ng mga katutubong magulang na nagtiwala sa ating mga hukuman. Ang bawat batang Pilipino ay may karapatang makatanggap ng edukasyong malaya sa pang-aabuso, pagsasamantala, pamimilit, at ilegal na manipulasyon. Walang ideolohiya, organisasyon, o sinuman ang maaaring manaig sa kapakanan ng ating mga anak o maging higit sa batas. Iyan ang tunay na pamana ng hatol sa Talaingod at iyan ang pangakong patuloy na pangangalagaan ng pamahalaan,” ani Torres.
Binigyang-diin ng NTF-ELCAC na ang tunay na nagwagi sa kasong ito ay ang mga batang Pilipino.
Ang bawat bata nga naman, katutubo man o hindi—ay may karapatang lumaki nang ligtas, manatili sa pangangalaga ng kanilang pamilya, at makatanggap ng edukasyong malaya sa anumang uri ng pang-aabuso, pagsasamantala, pamimilit, at ilegal na pagmamanipula. Ang mga karapatang ito ay ginagarantiyahan ng Saligang Batas at ng mga umiiral na batas ng Republika.