Advertisers
Kinuwestiyon ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano kung bakit Taguig lang ang pinagtutuunan ng pansin sa usapin ng umano’y ghost projects sa flood control, kasunod ng pahayag ni Public Works Secretary Vince Dizon na ipinatitingnan na ng ahensya ang alegasyon ni Senator Panfilo Lacson.
“Pinapacheck natin… Hindi ko pa alam. Pinapacheck natin sa district engineer,” sabi ni Dizon.
Sa isang Facebook live noong July 19, sinabi ni Cayetano na kung may mga alegasyon sa iba’t ibang lugar, dapat lahat ay mabusisi at hindi lang Taguig.
“Sabi nga ni Manong Chavit Singson, sa Ilocos daw meron. Ewan ko kung totoo o hindi. Pero ang tinitingnan lang ni Senator Lacson ay Taguig,” aniya.
“Ba’t hindi mo ipatawag isa-isa ‘yan? Bakit sa Taguig ka lang nakatingin?” dagdag niya.
Sinabi rin ni Cayetano na noong April ay personal na ininspeksyon nina Dizon, Taguig Mayor Lani Cayetano, at mga opisyal ng DPWH ang ilang infrastructure projects sa lungsod bilang bahagi ng monitoring ng ahensya.
Ayon kay Cayetano, handa siyang managot kung may mapatutunayang iregularidad sa mga proyekto sa Taguig.
Pero iginiit niyang dapat maging patas ang pagbusisi sa lahat ng proyekto at huwag pumili lamang ng isang lugar na pagtutuunan ng pansin.
“Integrity is very important. So, why not give integrity sa investigation natin sa flood control at sa lahat ng malalaking corruption issues? Ngayon kasi, bad governance at ‘bend the law.’ Tapos tatakpan na lang sa maraming ayuda para wala na lang magtanong. Tapos kapag may nagtanong, ikulong na lang ‘yan,” sabi ni Cayetano.