Advertisers
NABASA ko sa online Rappler na ang nakababatang kapatid ni dating Senador Bong Revilla Jr. na si Princess Revilla, Rebecca Bautista-Ocampo ang real name, ay nakakuha ng 67 projects sa DPWH mula 2016 hanggang 2025 na may kabuuang halaga na P5 billion.
Lahat ng proyektong ito ay sa kanilang erya lamang ng Cavite na kungsaan ang kanyang dalawang kapatid at isang pamangkin ay nagsisilbing mambabatas.
Sa dami ng proyektong ito na nakuha ni Princess, kaduda-dudang ginamit niya ang impluwensiya ng kanyang mga kapatid at pamangkin sa politika para makorner ang naturang mga proyekto, habang ang ibang kontraktor sa Cavite ay hirap magkaroon ng proyekto mula sa gobierno.
Bawal ito sa batas. Mismo!
Oo nga pala, anyare na sa P124.5 million na pinababalik ng Sandiganbayan sa dating senador? Bakit hindi manlang yata sinisingil ng graft court ang actor-politician?
Ang P124.5 million ay bahagi ng controversial na pork barrel fund ni Bong na pinababalik sa kanya matapos siyang pawalang-sala ng Sandiganbayan noong 2018 mula pork fund scam kungsaan siya unang nakasuhan ng Plunder.
Naungkat ang isyung ito ng P124.5m nang payagan ng Sandiganbayan si Revilla na makapaglagak ng piyansang P1 million sa kanyang P92 million Plunder case.
Mismong si Ombudsman Boying Remulla ang umungkat sa hindi pa naibalik sa gobierno na P124.5 million.
Anyare, Sandiganbayan?
Balik tayo sa P5-billion DPWH contracts ng sister ni Bong, dapat paimbestigahan ito ng Department of Justice sa NBI. Dahil masyado nang nawiwili ang mga politiko na gumamit ng kaanak para maging kontraktor sa kanilang mga ibinababang pondo sa DPWH, na mahigpit na ipinagbabawal ng batas.
Tuldukan!
***
Iprinisinta ng prosecution ang acknowledgment receipts ng Office of the Vice President confidential fund ‘recipients’, mga taong hindi existing o walang birth certificate:
Mary Grace Piattos, tumanggap ng P70,000
Renan Piatos (P110K)
Nova Santos (P85K)
Mico P. Harina (P295K)
Janice Marie Revilla (P70K)
Patty Ting (P150K)
Andy C. Lim (P50K)
Alejandro Pikit (P90K)
Fionna Biong (P80K)
Sisfrunio Balsac (P70K)
Gabriel Bisaya (P70K)
Ang pinaggastusan daw ng mga ito ay mga bagay na hindi pinapayagan ng batas, ayon sa Commission on Audit.
Sa takbo ng imbestigasyon sa confidential at intelligence funds ni VP Sara, malinaw na nalustay ang daang daang milyong confi-intel funds sa mga kapritso lang ng Bise Presidente.
Oo! Dapat panagutan ni VP Sara sa batas ang paglustay ng public funds sa mga bagay na hindi dapat pagkagastusan.
Ipagpatuloy natin ang pagsubaybay sa mga pagdinig sa Impeachment Trial na ito para malaman natin ang buong katotohanan sa mga isyu laban sa Bise Presidente.
Tutukan!