Advertisers
By Anne Venancio
Muling pinatunayan ng King of Pinoy Rap na si Andrew E. na timplado na niya ang tamang formula kung paano gumawa ng kantang mabilis tumatak sa publiko. Ang kanyang bagong single na “Pasta” ay agad na naging viral matapos ang media launch at birthday celebration noong Hulyo 29 sa G Side Superclub, kasabay ng pagdiriwang ng kanyang ika-59 na kaarawan.
Instant LSS sa maraming nakarinig ang chorus ng kanta, lalo na ang linyang “Put A Little More, Ibuhos Mo! At Cantuccini. ” Dahil sa istilo ng pagsulat ni Andrew E., na kilala sa paggamit ng mga salitang may double meaning, naging kontrobersyal sa social media ang naturang lyrics. May ilan ding nagbigay rito ng mas naughty na interpretasyon, habang sa live performance ay binigyan pa ito ng audience ng ibang bersyon na ‘P.I Mo’ bilang pakikipagkulitan sa rapper. Pero ang talagang lyrics ng kanta ay “Put A Little More, Ibuhos Mo!”
Kwento ni Andrew E., ang inspirasyon ng “Pasta” ay isang pagkain na gustung-gusto ng tao ngunit hindi laging nasa isip hangga’t hindi ito muling nakikita o natitikman. Tulad din umano ng kanyang mga kanta, maaaring pansamantalang hindi mapakinggan, ngunit kapag bumalik ay agad na naaalala at kinakanta ng marami.
Mas naging espesyal ang tagumpay ng single nang mag-post ng sweet congratulatory message ang kanyang misis na si Mylene Espiritu. Aniya, “The newest crazy line by AE… ‘Put A Little More, Ibuhos Mo!’ Hahaha! Congratulations, love, to your new song! Sobrang catchy talaga!”
Present din sa launching ang negosyante na si Sam SV Verzosa bilang suporta sa King of Pinoy Rap. Bilang pasasalamat, niregaluhan siya ni Andrew E. ng isang relo. Ngunit bukod sa bagong awitin, nakaagaw rin ng atensyon ng mga dumalo ang pagdalo ni Faith Da Silva, na kasama ni Sam sa event. Dahil dito, muling umarangkada ang mga espekulasyon at intriga na siya umano ang ipinalit kay Rhian Ramos. Gayunman, nilinaw na ni Sam na matagal na silang magkaibigan ni Faith. Sa kabila nito, hindi naiwasang mapansin ng ilan ang kanilang pagdating, dahilan para mapa-“Ahmmm…” na lamang ang ilang nakasaksi sa naturang okasyon.
Anyway, ang “#Pasta” ang unang inilabas mula sa upcoming six-track album na “Wholesome Again,” na tampok din ang kauna-unahan niyang collaboration sa kanyang 23-anyos na anak na si MC 4D (Andrew Fordy Espiritu). Ayon sa rap icon, bihira siyang makipag-collaborate sa ibang artists dahil kakaiba ang kanyang musical style at hindi ito madaling ipares sa iba. Kaya naman ang kanyang anak ang napili niyang makasama sa proyektong ito, dahil pareho sila ng istilo at musikal na direksiyon.
Opisyal nang mapapakinggan ang “Pasta” sa Spotify, Apple Music, YouTube Music, at iba pang digital streaming platforms.
Kasabay ng matagumpay na paglulunsad ng kanyang bagong single, naghahanda rin si Andrew E. para sa Wholesome Again World Tour 2026. Kabilang sa mga inaabangang konsiyerto ang Live in San Leandro, California sa Agosto 23 sa Historic BAL Theatre, kasama sina Jaw Tee (Salbakuta), Budz at Proy ng Undadogz Rap Duo, Sixth Threat, at musical director na si Alvin Caraveo. Susundan ito ng Live in Texas sa Agosto 29 sa Stable Hall, San Antonio, tampok din ang parehong lineup ng performers.
Samantala, patuloy ding kinikilala ang malaking ambag ni Andrew E. sa industriya ng musika. Pinarangalan siya ng PMPC Star Awards Inc. ng Pilita Corrales Lifetime Achievement Award bilang pagkilala sa kanyang mahigit tatlong dekadang kontribusyon sa Original Pilipino Music at sa kanyang mahalagang papel sa paghubog ng Pinoy hip-hop.
Mula sa kanyang breakout hit na “Humanap Ka ng Panget” noong 1990 hanggang sa mga kantang “Wag Kang Gamol,” “Andrew Ford Medina,” “Alabang Girls,” “Banyo Queen,” “Manchirichit,” at iba pa, nananatiling isa si Andrew E. sa mga artistang nagbigay ng kakaibang kulay sa OPM. Hanggang ngayon, patuloy niyang pinatutunayan na ang kanyang musika, katatawanan, at natatanging istilo ay patok pa rin sa iba’t ibang henerasyon.
Pero sa kabila ng tagumpay ng kanyang bagong single, naging emosyonal din si Andrew E. matapos ang pagpanaw ng kaibigang entertainment journalist na si Nay Jobert Sucaldito. Sa kanyang social media post, ibinahagi niyang ang pagdalo ni Jobert sa kanyang birthday celebration ang huli na pala nilang pagkikita, at nagpaabot siya ng taos-pusong pakikiramay sa pamilya at mga mahal sa buhay ng yumaong broadcaster.