Advertisers

Advertisers

VP SARA MAY 400 BADIGARD NA, BAKIT MAY CONFI FUNDS PA!?

0 5

Advertisers

BAKIT ginamit ang confidential funds para sa umano’y security operations ni Vice President Sara Duterte gayong mayroon na siyang mahigit 400 tauhan na nakatalaga para sa kanyang seguridad?

Ito ang tanong na ibinato nitong Huwebes matapos ang testimonya ni Commission on Audit-Intelligence and Confidential Funds Audit Office (COA-ICFAO) supervising auditor Xylene Mae del Campo hinggil sa mga aktibidad na ginamit na batayan sa paggastos ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).

Ayon kay House prosecution counsel at spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., nasa Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) na ang responsibilidad sa seguridad ni Duterte.

“Gaya ng itinuro kahapon, mayroon nang mahigit 400 security personnel na naka-detail kay Vice President. At ang pangangasiwa ng kanyang seguridad ay mismong tungkulin ng Vice Presidential Security Group,” ani Tolosa sa isang House press briefing.

Sa cross-examination kay Del Campo noong Miyerkules, binigyang-diin ng depensa ang confidential operations na kinabibilangan ng surveillance at iba pang security measures na isinagawa kaugnay ng mga aktibidad ni Duterte sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Kinuwestiyon ni Tolosa kung bakit kailangan pang gamitin ang confidential funds ng OVP para sa mga aktibidad na may kaugnayan sa seguridad gayong mayroon nang nakatalagang security group si Duterte.

Samantala, sinabi ni House trial spokesperson at Kabataan Party-list Representative Renee Louise Co na may sarili ring pondo ang VPSPG na hiwalay sa pondo ng OVP.

“Kahit sa antas na iyon, kailangan nating tanungin kung security matter ba ito, kung OVP ba ang dapat gumastos para sa ganitong usapin, o mayroon bang ibang [ahensya]?” ani Co.

Ayon kay Co, mas lumalalim ang usapin sa mandato pagdating sa Department of Education (DepEd), na tumanggap ng P112.5 milyon confidential funds noong si Duterte ang Education Secretary.

Aniya, pangunahing tungkulin ng DepEd ang pagbibigay ng dekalidad at accessible na edukasyon sa mga estudyante. Dahil dito, kinuwestiyon niya kung paano nakatulong sa mandato ng ahensya ang counterinsurgency at counterterrorism operations.

“Paano ba nakakamit ’yun sa paggasta ng supposedly confidential intelligence funds para sa ‘counterinsurgency, counterterrorism operations’? Hindi natin nakikita, hindi malinaw ang koneksyon,” ani Co.

Iginiit ni Co na dapat ding suriin ang kalikasan at layunin ng mga umano’y operasyon kasabay ng iba pang anomalya na lumilitaw mula sa mga ebidensyang may kaugnayan sa confidential funds.

“Napakabigat na dapat ikonsidera sa ebidensya ang iba’t ibang hanay ng anomalya, kabilang dito kung tama ba sa unang lugar ang paggastos—kung wastong bagay ba ito para gastusan gamit ang confidential at intelligence funds,” aniya.

Dagdag pa ni Co, mas nagiging seryoso ang mga tanong habang hindi ito nasasagot.

“Marami pa iyan. At pabigat nang pabigat kung hindi ito nasasagot. At padami nang padami ang ebidensyang sumusuporta sa mga anomalya na ito,” ani Co.

Sinusuri sa impeachment trial ang P612.5 milyon confidential funds na nasa ilalim ni Duterte, kabilang ang P500 milyon na inilabas sa OVP mula Disyembre 2022 hanggang Setyembre 2023 at P112.5 milyon na inilabas sa DepEd noong 2023.