John Andrei Samadio sasabak sa Combat Wrestling World Championships sa South Korea
Advertisers
NAKATAKDANG iwagayway ni John Andrei Samadio ang bandila ng Pilipinas sa nalalapit na Combat Wrestling World Championships ngayong September 6, 2026 sa Goyang, South Korea.
Napili ng Combat Wrestling Philippines ang 25-year old combat wrestler mula Los Banos, Laguna bilang lone entry ng bansa sa nalalapit na World Championships na inaasahang lalahukan ng mga grapplers at recreational wrestlers mula sa 12 na mga bansa.
Bitbit ang naging karanasan buhat nung manalo ng silver medal sa 2024 Asian Combat Wrestling Championships sa Men’s 73 kg, nais ni Samadio na magpakita ng husay sa pag-balibagan laban sa mga iba’t ibang international counterparts at upang makadagdag pang lalo sa exposure at experience ng koponan.
“Ganoon po kabilis [ang exposure]. Kasi nung una kami ni Coach nung 2024 at nagkaroon ng dagdag na sumali last year at nitong 2026, sobrang madami talaga ang naging curious sa combat wrestling na sumali po sila doon.”, pahayag ni Samadio sa lingguhang Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) Usapang Sports Forum.
Kagaya ng mga nakaraang competisyon na nilahukan ng Philippine Combat Wrestling Team, magiging self-funded ang kampanya nito sa tulong ng mga private sponsors at individuals habang hinihintay pa ang magiging suporta ng PSC at Philippine Olympic Committee.
“Sa totoo lang, the past international competitions, self-funded kami at this time, we could expect na self-support kami kasi wala pa kaming major sponsor at di pa accredited ng PSC at POC. Even in the previous competitions, nagagawa namin at still confident na makukuha natin ng mga sponsors.”, sinabi ni Coach Karlo Silverio Sevilla III, Combat Wrestling Philippines, Inc. sa forum na sinuportahan ng PSC, Pocari Sweat at Behrouz Persian Cuisine.
Nakatulong rin ang pagdaraos ng Buno sa Angono 2: Combat Wrestling and Takedown Challenge na idinaos nitong August 2 sa Angono Municipal Gym upang mas lalo pang palawakin ang interes sa combat wrestling lalo na sa grassroots development at sa paghahanap ng mga susunod na medal potentials.
“We had almost 100 ang sumali from 20 divisions across all ages. Kasi yung tatay at nanay ni Andrei since 2024, nagpapalaro sila ng takedown or simplified wrestling pero na-expand na ito sa combat wrestling ang specialty nila. Nasurpresa kasi sa dami [ng sumali] at mostly galing ito sa mga BJJ groups at mga Palarong Pambansa na participants. Pumunta rin ang presidente ng Combat Wrestling Asia to show support.”, inihayag din ni Sevilla.
Kasunod ng panalo nito sa Buno sa Angono 2 ng gintong medalya, hangad ni Samadio na makapagdala ng karangalan sa bansa at magsilbing inspirasyon hindi lamang sa mga kabataan kundi sa kanyang ama na isa sa mga top supporters niya.
“Sana mabigyan ng suporta para mairepresenta ang bansa natin. Kailangan maging successful at gusto ko rin tulungan ng mga bata na makapaglaro ng combat wrestling at matuturo nang wala silang maiisip. Kayang-kaya naman natin ang mga foreign athletes kasi iba’t iba ang diskarte sa training at iba’t iba ang knowledge sa techniques kung paano tayo magpapakondisyon, alam ko kaya tayong mag-excel di lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.”, huling sambit ni Samadio.