Advertisers
IBINASURA ng Sandiganbayan ang graft case laban kay dating Iloilo City Mayor Jed Mabilog kaugnay ng umano’y pakikialam nito sa pagbibigay ng kontrata ng gobyerno sa isang towing services firm.
Sa resolusyong inilabas noong Agosto 12, pinagbigyan ng Third Division ng Sandiganbayan ang mosyon ni Mabilog na ipawalang-bisa ang kaso.
Ayon sa korte, nagkaroon ng hindi makatuwirang pagkaantala sa preliminary investigation, at nabigo ang Office of the Ombudsman na ipaliwanag kung bakit natagalan ang pagsasampa ng kaso.
Sina Mabilog at iba pa ay inakusahan ng pagpasok sa isang memorandum of agreement kasama ang 3L Towing Services. Sa ilalim nito, pinayagan ang kompanya na mag-clamp at mang-tow ng mga ilegal na nakaparadang sasakyan sa Iloilo City nang hindi dumaan sa competitive process.
Batay sa rekord ng korte, inihain ang reklamo laban kay Mabilog noong Abril 2015. Natanggap ng Ombudsman ang kanyang counter-affidavit noong Agosto ng parehong taon, habang inilabas ang consolidated resolution noong Marso 2017.
Noong Hunyo 2019, pinal na pinagtibay ng Ombudsman ang resolusyon, ngunit noong Marso 2023 pa naisampa ang kaso sa Sandiganbayan.
Dahil dito, umabot sa pitong taon, sampung buwan at pitong araw ang lumipas mula sa paghahain ng reklamo hanggang sa pagsasampa ng information sa korte.
Ipinaliwanag ng Ombudsman ang pagkaantala sa pamamagitan ng distansya ng Cebu office at central office nito, pati na ang epekto ng COVID-19 pandemic. Pero ayon sa Sandiganbayan, hindi sapat ang paliwanag para bigyang-katwiran ang pagkaantala sa pagsasampa mismo ng kaso.
Kasabay ng pagbasura sa kaso, binawi rin ng korte ang hold departure order laban kay Mabilog at iniutos ang pagpapalabas sa kanyang bail bond.
Ang desisyon ay isinulat ni Third Division Chairperson Karl Miranda. Hindi naman sumang-ayon sina Associate Justices Ronald Moreno at J. Ermin Miguel at naglabas sila ng dissenting opinion.