Advertisers

Advertisers

Lacson, sinilip ang ‘questionable’ lump-sum sa 2027 budget

0 7

Advertisers

NASILIP ni Senador Panfilo “Ping” M. Lacson ang ilang “questionable” na lump-sum appropriations para sa infrastructure projects ng isang ahensya ng gobyerno sa panukalang P7.2-trilyong pambansang budget para sa 2027, at sinabing hihingi siya ng paliwanag o paglilinaw sa mga kinauukulang opi-syal.

Sinabi ni Lacson na maaari niyang pormal na ilahad ang isyu sa briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC), na nakatakdang magsimula sa Agosto 27.

Aniya, kailangan ang detalye o breakdown ng bawat program, activity o project.



Sinimulan na ni Lacson at ng kanyang staff ang masusing pagsusuri sa National Expenditure Program (NEP) matapos itong maipadala sa dalawang kapulungan ng Kongreso nitong nakaraang linggo.

Sinabi niyang susuriin din nila ang NEP para sa mga special provision na maaaring gamitin upang malusutan ang mga limitasyon sa unprogrammed appropriations.



Binanggit ni Lacson ang isang nakaraang General Appropriations Act kung saan nagdagdag ang bicameral conference committee ng dalawang “highly questionable, even unconstitutional Special Provisions.” Kabilang sa mga probisyong ito ang may kinalaman sa government-owned and controlled corporations (GOCCs), gaya ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), gayundin sa Foreign-Assisted Projects (FAPs). Inalis naman ang mga naturang probisyon sa mga sumunod na pambansang budget.

Muling iginiit ni Lacson na pananatilihin nila ang mga reporma sa proseso ng budget na sinimulan at in-adopt hanggang bicameral conference committee ni noo’y Senate finance committee chairman at ngayo’y Senate President Sherwin Gatchalian, kabilang ang livestreaming ng mga pagdinig ng bicameral conference committee at pagpo-post online ng mga dokumentong may kaugnayan sa proseso ng budget.



Ngayon pa lamang, sinabi niyang tiniyak sa kanya ni Senate finance committee chairman Jose Victor “JV” Ejercito na hindi niya pahihintulutan ang mga insertion sa antas ng bicameral conference committee na wala sa bersyon ng General Appropriations Bill ng Senado o Kamara.

“I hope this year under chairmanship of Sen JV, seatmate kami, talagang itaga sa bato gagawin niyang maayos. Sabi niya di niya papayagan gawin ng insertion sa bicam,” aniya.

Sinabi ni Lacson na tutugon ang naturang polisiya sa matagal nang problema sa bicameral conference committee, kung saan may mga probisyong wala sa bersyon ng General Appropriations Bill ng Senado o Kamara na naipapasok noon sa mga huling yugto ng proseso ng budget.

Muli ring iginiit ni Lacson ang kanyang adboka-siya na bigyan ng mas malaking papel ang local government units (LGUs) at local development councils (LDCs) sa proseso ng budget, kabilang ang kanyang panawagan sa Department of Budget and Management (DBM) na ayusin ang timing ng budget call nito upang matalakay at maisama sa NEP ang output ng local development councils sa pamamagitan ng mga Regional Development Councils. (Mylene Alfonso)