Advertisers

Advertisers

‘Wag gawing intriga ang impeachment

0 6

Advertisers

MAAYOS ang naging takbo ng impeachment trial nitong mga nakalipas na linggo dahil sa maayos at epektibong pamumuno ng Presiding Officer, Senator Francis “Chiz” Escudero. Marami ang kumilala sa kaniyang balanseng paghawak sa proceedings, pati na sa mabilis at maayos na pagresolba sa mga usapin sa impeachment court. Mismo!

Kaya nakapagtataka na habang maayos na umuusad ang proseso, may panibagong intriga namang lumalabas tungkol sa umano’y pangangalap ng boto para sa magiging desisyon ng impeachment court.

Ayon sa isang ulat, kinakausap ni Escudero sina Jinggoy Estrada, Loren Legarda, at ang mga Villar upang makuha ang 16 boto na kailangan para ma-convict si Vice President Sara Duterte. Ganun?

Mabigat ang ganitong alegasyon. Dahil dito, dapat ganoon din kabigat ang ebidensiyang susuporta rito. Mismo! Hindi sapat na gawing batayan ang isang “reportedly” para ituring na katotohanan ang isang seryosong paratang.

Kung walang malinaw at matibay na patotoo, hindi dapat agad gawing katotohanan ang isang political rumor.

Lalong nakakasama ang ganitong mga haka-haka dahil maaari nitong bahiran ang isang prosesong dapat nakasentro sa ebidensiya at mga argumentong inilalahad sa impeachment court. Ito ang prosesong direktang sinusubaybayan ng mga Pilipino.

Malinaw ang tungkulin ng Presiding Officer. Tiyakin na maayos ang proceedings, mabigyan ng pagkakataon marinig ang prosecution at defense, at masunod ang mga patakaran ng impeachment court. Sa ngayon, maayos itong ginagampanan ni Escudero. Bravo!

Kung bawat pag-uusap ng mga senador ay agad bibigyan ng kulay bilang vote-buying o horse-trading, paano pa magkakaroon ng normal at malayang deliberasyon sa loob ng Senado?

Maaari ring masira ng ganitong mga haka-haka ang kredibilidad ng magiging hatol ng impeachment court.

Kapag acquittal ang naging resulta, sasabihin ng isang panig na may nagmaniobra. Kapag conviction, maaaring sabihin ng kabilang kampo na matagal nang inayos ang resulta.

Sa alinmang senaryo, ang mismong impeachment court ang mawawalan ng kredibilidad.

Kaya habang nagpapatuloy ang paglilitis, kailangang maging maingat ang lahat, kabilang ang media, sa pagsusuri at pagpapakalat ng mga alegasyong walang malinaw na pinagmulan o sapat na ebidensiya.

Sapat na ang ingay na nakapalibot sa impeachment. Hindi na kailangan ng dagdag na intriga na maaaring maglihis ng atensyon mula sa testimonya, ebidensiya, at mga legal na argumento.

Hayaan nating gumana nang maayos ang impeachment court.

At higit sa lahat, hayaan nating ang ebidensiya ang magsilbing batayan sa magiging direksyon at resulta ng paglilitis. Mismo!